top of page

Ako Ang Babaeng Humihiwalay

  • Writer: Shielo Naluz
    Shielo Naluz
  • 1 day ago
  • 1 min read
Inilikha ni Shielo Naluz
Inilikha ni Shielo Naluz

Sabi nila, halimaw ako.

Babaeng humihiwalay sa sarili,

Lumilipad sa gabi.

Putol ang katawan,

Sumisipsip ng sanggol, ng sakit, ng laman.


Hindi ako kathang-isip.

Ako ang alaala ng mga babaeng sinunog sa aklat ng kasaysayan.

Ako ang tinawag nilang bruha,

Babaylang sinunog ng simbahan,

Inang sa pagpili ay pinagkaitan.


Tinakot nila kayo gamit ang anyo ko.

Sa gabi ng mga santong dayuhan,

Ginawa nila akong bangungot,

Para matulog kayong sunud-sunuran.


Ngunit sa bawat paghiwalay ko sa aking katawan,

Ako’y kumakawala.

Sa bawat paglipad ko,

Binabaklas ko ang rehas ng inaasahan.


Hindi ako asawa. Hindi ako ina.

Hindi ako banal na handang isakripisyo ang sarili.

Ako ang hindi ninyo maikahon.


Oo, may dila akong mahaba’t matalim.

At gamit ito, sinasabi ko:

Ayokong magluwal kung ako'y pinilit.

Ayokong magpakadalisay kung tanikala ang kapalit.


Ako ang halimaw sapagkat pinili kong hindi sumunod.

Ako ang kinatatakutan, hindi dahil masama ako—

kundi dahil ako'y malaya.


Hindi ako pumapatay ng sanggol.

Pinapatay ko ang ideya na 

Ang babae ay naririto lamang upang magluwal,

mag-alaga, magpakasakit.


Ako ang katawan na hindi niyo pag-aari.

Ako ang tinig na hindi niyo kayang patahimikin.


Sa gabi ng aking paglipad,

hindi ako nagtatago.

Ako'y nagwawala.

At sa bawat paglipad ko,

isinisigaw ko sa himpapawid:


Hindi ako titigil.

Hindi ako yuyuko.

At hindi ako babalik sa pagiging tahimik.


Ako ang babaeng humihiwalay,

At sa aking paghiwalay,

Ako ay buo.

Related Posts

See All

Comments


The Sword '23-'24

  • White Facebook Icon
  • 247-2479249_issuu-black-and-white-logo_e

The Official Publication of UP Political Society

All Rights Reserved.

bottom of page