top of page

Puro Katatagan, Walang Pananagutan: Nakik-AETA K-AETA, Komunidad ng AETA!

  • Writer: Jacob Miranda
    Jacob Miranda
  • 12 minutes ago
  • 18 min read

Introduksyon

           Maliit, payat, maiitim at malalaki na mga mata, kulot, at may itim na balat—iyan ang mga pisikal na katangiang taglay ng isang Aeta. At ang hindi ko pinakamalilimutan—ang mga ngiting bumabalot sa kanilang mga mukha. Mga ngiti ng mga bata sa tuwing makakatanggap ng papremyong laruan at libro mula kina ate at kuya. Mga ngiti ng mga ina habang karga-karga ang sanggol sa kaniyang mga braso habang kumukuha ng pansit at tinapay na inihandog ng mga punong-abala. Mga ngiti ng mga tatay habang inaabutan ng lalagyanan ng galon ng tubig na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na daing na malinis at sapat na maiinom na tubig. Mga ngiting nagniningning sa kabila ng pahirap sa kanila ng mapang-aping sistema. 


Iginuhit ni Ina Espina
Iginuhit ni Ina Espina

           Ang mga Aeta ay matatagpuan sa iba't ibang panig ng Pilipinas. May baryasyon ang katagang "Aeta" depende sa kung saang lugar sila nakatira sa bansa. Aeta, Ayto, o Alta ang tawag sa mga nasa Gitnang Luzon, Agta o Aeto sa mga nasa hilagang silangang Luzon, Ati o Ata sa mga nasa Panay at Negros, Batak sa mga nasa Palawan, Iraya Mangyan sa mga nasa Mindoro, Remontado sa mga nasa probinsya ng Rizal, mga Remontado sa mga nasa Sibuyan Island ng probinsya ng Romblon, at mga Mamanwa sa hilagang probinsya ng Surigao at Agusan sa Mindanao. Sa kabuuan, "Negrito" ang katagang pinakanaglalarawan sa nasabing grupo ng Indigenous Peoples (IP). Tinatayang nasa 117,782 ang bilang ng mga Aeta sa Pilipinas o nasa isang porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga IP. Sa datos na nakalap, mayroong 10,403 na Agta sa hilagang silangang Luzon noong 2010, 56,265 na Pinatubo Aeta noong 1997, 54,394 na Mamanwa sa Mindanao, at 9,258 sa Visayas. 


           Bagaman hindi pa rin eksaktong matukoy kung ano ang pinakapinanggalingan ng mga Aeta, patuloy itong iniimbestigahan ng mga antropologo at mga arkeologo. Ang pagkakaroon ng land bridges na nagkonekta sa Pilipinas at kontinenteng Asya 30,000 taon ang nakalilipas at ang pagkakaroon ng ugnayan ng Malay peninsula sa Sumatra at Sunda Islands ang mga posibleng dahilan ng pagdating at pagkalat ng mga Aeta sa bansa. Sa pananakop ng mga dayuhang Espanyol, nag-iba ang tirahan ng mga Aeta mula sa mababa at patag na lupain patungo sa kabundukan. Bukod pa rito, nanatili ang pagtutol at paglaban ng mga Aeta sa pamahalaan ng Espanya kahit na gusto silang ilipat sa lugar na tinatawag na reservation. Naging iba naman ang pakikitungo nila sa mga dayuhang Amerikano, partikular ang mga Pinatubo Aeta, noong nakipagtulungan at nakipagdayalogo ang mga ito sa mga sundalong Amerikano na nakabase sa Zambales at Pampanga. 


           Makaraan ang ikalawang digmaang pandaigdig, sunud-sunod na pagsubok ang pinagdaanan ng mga Aeta. Bahagi na rito ang bilang ng mga sakuna at hindi makataong polisiyang pang-ekonomiko at sosyopulitkal, dahilan upang mabawasan ang bilang ng mga Aeta sa bansa. Halimbawa na lamang nito ang komersyal na pagpuputol ng puno at pagmimina noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos. Nagpatuloy ito sa panahon ng administrasyong Marcos at pagkatapos ng 1986 Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) Revolution na nagpatalsik sa diktadurang Marcos. Samakatuwid, ang pinakahindi malilimutang kaganapan ay ang pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991 na nagbuga ng ashfall at lahar at tinabunan ang mga pamanang lupa ng mga ninunong Aeta. Pinakanaapektuhan ang mga Pinatubo Aeta na mayroong 83,234 na bilang noong 1988 na naging 56,625 nalang noong 1997. 


           Sa pagpunta ng Relevate 2025 Team ng UP Political Society sa Sitio Inararo at Malanac, Floridablanca, Pampanga upang isagawa ocular visit noong ika-24 ng Nobyembre, 2024 at isagawa programa at pakikipamuhay sa komunidad noong ika-18 ng Enero, 2025, naranasan at naintindihan namin ang uri ng pamumuhay at mga kinakaharap na pagsubok ng komunidad sa kasalukuyan. Matapos ang nasabing trahedyang dulot ng Mount Pinatubo, ramdam pa rin ng mga Aeta sa kasalukuyan, lalong-lalo na ang mga Pinatubo Aeta, ang suliraning AETA: suliranin sa Agrikultura, Lupa, at Pangkabuhayan; suliranin sa Edukasyon; suliranin sa Tubig at Transportasyon; at suliranin sa Antas at Katayuan sa Lipunan. 


Suliraning AETA: Agrikultura, Lupa, at Pangkabuhayan

           Nakasaad sa Republic Act No. 8371 o "The Indigenous Peoples' Rights Act of 1997" (IPRA) ang pagprotekta at pagkilala sa mga karapatan ng mga IP o mga Indigenous Cultural Communities (ICC). Idinetalye rin sa nasabing batas ang pagkilala at pagrespeto sa mga ari-arian, lupain, kultura, at tradisyon ng mga ICC o IP na pumapaloob sa kanilang ancestral domains. Alinsunod sa Chapter II, Section 3, ang ancestral domains ay tumutukoy sa lahat ng lugar, mapa-lupa, katubigan, at mga likas na yaman na matatagpuan dito, na pagmamay-ari ng mga ICC o IP simula pa noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, maliban na lamang kung maapektuhan dahil sa giyera o mga proyekto ng gobyerno na kinakailangan para sa kanilang kapakanan. Sa ilalim ng Chapter III, Section 7, mayroong karapatan ang mga ICC o IP na angkinin, kontrolin, gamitin, pagandahin, at manirahan sa kanilang ancestral domain. Hindi rin sila maaaring mailipat ng tirahan na walang free and prior informed consent (FPIC). Kung sakali man na sila ay puwersahang mapaalis dahil sa mga kalamidad, may karapatan ang estado na ilipat sila ng tirahan hanggang sa bumalik sa dating kalagayan ang kanilang lugar o ibigay na sa kanila nang permanente ang bagong tirahan dahil hindi na maganda ang kalagayan ng kanilang orihinal na ancestral domain


           Para sa mga Aeta na nasa Sitio Inararo at Malanac, Floridablanca, Pampanga, matapos ang kanilang paglikas dulot ng pagputok ng Mount Pinatubo, ibinigay nang libre sa kanila ng gobyerno ang tinitirhan nilang lupa sa kasalukuyan. Habang ang karamihan sa kanila ay may kaniya-kaniyang lupang pagtataniman, ang ibang mga Aeta naman ay umuupa ng lupang sakahan. Hindi rin naging isyu ang lupa sapagkat wala namang banta rito. Bilang pagtatanim ang kanilang pangunahing hanapbuhay, ang mga itinatanim nila ay mga ampalaya, patani, sigarilyas, ube, saging, at gabi. Sa kabila ng ipinagkaloob na lupain na kanilang ginagamit sa kanilang pangkabuhayan, lantad pa rin ang mga isyung dulot sa kanila ng mapang-aping sistema. Daing pa rin ni Nanay Susan ang pondo na kinakailangan upang makapagtanim ng ampalaya, sitaw, talong, kalabasa, upo, patola, okra, gabi, luya, at ube. Hangad din nila ang magandang oportunidad sa trabaho na may makatarungang sahod mula sa gobyerno buhat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa tindahan ni Nanay Lolita, ang pinakamalapit na bilihan sa kanilang lugar. Kalakip nito ang kakulangan sa tulong at suporta na maka-angkop sa mga pagbabago ng modernong panahon.


           Kung naging mabuti ang naging pakikitungo sa mga Aeta ng Sitio Inararo at Malanac, taliwas naman ang karanasan ng ibang mga Aeta pagdating sa isyu ng lupain. Ang pagpapatayo ng New Clark City (NCC) sa Capas at Bamban, Tarlac para sa ginanap na Sea Games sa bansa noong 2019 ay naging banta sa karapatan ng mahigit 500 na pamilyang Aeta. Bukod sa hindi paghingi ng FPIC ukol sa pagpapagawa ng NCC, hindi rin nagbigay ng kongkretong plano sa mahigit 27,500 na Aeta patungkol sa kanilang bagong matitirhan. Kamakailan lamang din ay inaresto ang mga Aeta ng Capas dahil sa isinagawang pagbarikada ng Mount Pinatubo crater bilang protesta upang madinig ang kanilang mga karapatan ukol sa kanilang ancestral domains. Binigyang-diin pa ng Katribu na ang turismo sa Mount Pinatubo ay ipinagpatuloy kahit na walang FPIC mula sa mga Aeta ng Capas. 


  Sa kabila ng pagbibigay ng lupain sa mga taga-Sitio Inararo at Malanac, makikita na hindi pareho ang pakikitungo sa ibang mga katutubong Aeta na nagpapakita ng hindi pantay at patas na pagkilala sa kanilang karapatan, alinsunod sa mga mandato ng IPRA. Ang hindi paghingi ng FPIC sa mga katutubo ay tahasang paglabag sa nakasaad sa batas at tahasang pagsasamantala sa mga ancestral domain ng mga Aeta. Bukod sa pag-aangkin ng kanilang mga lupain, binubura ng mga korporasyon at ng pamahalaan ang mga pisikal at kultural na pamanang pinangalagaan at pinangasiwaan ng mga ninunong katutubo para sa pansariling kapakanan. Ramdam din ang kawalan ng pinansyal na suporta sapagkat nananatiling hirap, kapos, at naghihikahos ang mga Aeta buhat ng mataas na presyo ng mga bilihin at mga pagbabagong dala ng makabagong panahon. 


Suliraning AETA: Edukasyon

           Kaliwa at kanan ang mga batang naghahabulan sa kahabaan ng sitio. Mga matang inosente at kuryoso sa mga nakasuot ng itim na damit habang may nakasabit na lanyard na may maliit na parihabang papel na laminated. "Ako si" ang mga salitang naka-imprinta kasunod ng sarili nilang pangalan. "Ako si" ang masiglang sambit ng dalawang emcee sa kanilang mikropono kasunod ng kanilang pagpapakilala. Nagsimula sa pagsayaw ng "Apt" nina Bruno Mars at Rose nang nakatayo hanggang sa pag-upo sa sementadong daanan upang mapakinggan ang storytelling. Magtataas ang mga batang Aeta ng kamay na tila recitation sa loob ng silid-aralan na ang kapalit ay maliit na bituin na ididikit sa maliit na kamay. Ngunit ang kaibahan, mga papremyong laruan, katulad ng bubbles, ang bitbit ng Relevate 2025 Team. 


           "Pangarap ko na makapagtapos sila ng pag-aaral," saad ng aming nakausap ni Kai na mga matatanda sa isinagawang Educational Discussion (ED). Katulad nila, malaki rin ang pagpapahalaga ng mga bata sa edukasyon dahil naniniwala sila na ito ang susi upang maiahon nila ang kanilang buhay. Ang kagandahan sa edukasyon na mayroon sila ay ang dami ng bilang ng mga bata na pumapasok sa paaralan na malapit sa kanila na nag-aalok hanggang Grade 12. Kung hindi naman pumapasok ang mga bata, pinupuntahan at sinusundo sila mismo ng mga gurong masisipag at may malasakit. Pagkatapos ng elementarya at sekundarya, naipapadala ang mga bata sa Don Honorio Ventura State University (DHVSU) na kung saan ang iba ay nakapagtapos na ng mga kursong Social Work, Education, at Criminology. Hindi rin makakalimutan ang iskolarship na bigay ni Nanay Pineda pagsapit ng mag-aaral sa Grade 7 at ang mga ibinigay na libro at mga kagamitang pang-eskuwela mula sa lokal na pamahalaan. Sa pagwawakas ng programa ng Relevate 2025 Team, bukod sa mga laruan, nagpamigay rin ng mga librong panglibangan at pang-edukasyon sa mga batang Aeta na inihandog ng iba't ibang organisasyon, katulad ng UP College of Social Work and Community Development (CSWCD) FST Council. 


           Habang nananatiling maliwanag ang kinabukasang dala ng edukasyon ng mga batang Aeta, hindi maikakaila ang unti-unting paglamlam nito buhat ng mga pagsubok na kinahaharap ng bawat miyembro ng komunidad. Dahil marami sa mga matatandang Aeta ay hindi edukado, sila ay napagsasamantalahan sapagkat hindi napepresyuhan at nabebenta nang tama ang mga produktong bunga ng kanilang inani sa sarili nilang lupang sakahan. Hindi na rin mapagtuunan ng pansin ng mga magulang ang sariling edukasyon sapagkat inuuna nila ang kanilang responsibilidad sa pamilya na tugunan ang kumakalam na sikmura. Ang kanilang sitwasyon ay maaaring isang repleksyon ng konsepto ng materialism na kung saan mas inuuna ng mga matatandang Aeta ang kanilang ekonomikal at pisikal na seguridad upang malabanan ang kahirapan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Kung isasakonteksto naman ito sa pangkalahatang kalagayan ng bansa, hindi lamang ito nararanasan ng mga Aeta. Alinsunod sa cultural map na ginawa nina Ronald Inglehart at Christian Welzel, ang Pilipinas ay naka-angkla sa mga survival values na similar sa ekonomikal at pisikal na seguridad na nakasaad sa konseptong materialism. Bukod pa rito, malaking hamon din ang maagang pag-aasawa ng mga kabataang Aeta at pagtaas ng bilang ng teenage pregnancy na nagiging dahilan kaya hindi sila nakakapagtapos ng pag-aaral. Lantad ang kawalan ng maayos na family planning at sex education para sa komunidad ng Sitio Inararo at Malanac. Dahil dito, nagpapatuloy ang siklo ng kahirapan sapagkat inilalaan agad ng mga kabataan ang oras at enerhiya sa responsibilidad ng pagbuo at pag-alaga sa pamilya na dapat sana ay inilalaan para sa pagtatapos ng pag-aaral. 


           Hindi kakaiba ang karanasan ng mga Aeta sa Sitio Inararo at Malanac sapagkat ramdam din ito ng ibang Aeta sa ibang lugar. Para sa mga Aeta na nasa Botolan, Zambales, ipinapakita sa saliksik na may epekto ang pinansyal na kalagayan, kita, at pinag-aralan ng mga magulang sa kanilang partisipasyon sa edukasyon ng mga anak. Mas mababa ang partisipasyon kung hindi maganda ang pinansyal na kalagayan o kita o kapag mababa ang pinag-aralan. Kalakip nito ang kawalan ng akses sa magandang kalidad na edukasyon ng mga batang Aeta sa Capas, Tarlac dahil sa problema ng kahirapan. Dahil walang maibigay ang mga magulang na pinansyal na suporta sa kanilang mga anak, mas pinipili na lamang nila na tumigil sa pag-aaral. 


           Sumatotal, maipapakita ang magkasalikop na isyu ng edukasyon at kahirapan na hindi lamang problema ng iisang komunidad ng mga Aeta bagkus ay problema ng pangkalahatan. Ang kawalan ng edukasyong pampamilya ang pumipigil sa pagkamit ng kalidad na edukasyon. Dahil walang sapat na kaalaman ang mga batang Aeta ukol sa sex education at family planning, pinipigilan nito ang pagtatapos nila ng kanilang pag-aaral at ang kanilang pagkamit sa kanilang mga pangarap. At ang pinakamalala sa lahat ay ang pagkalunod ng kanilang pamilya sa kahirapan sapagkat mas lalong nababaon sa hirap kapag maagang bumubuo ng pamilya ang mga anak. Ngunit, ang walang humpay na siklong ito ay hindi dapat isisi sa mga naghihikahos na Aeta. Marahil biktima rin sila ng istruktural na problemang namamayani sa sistema ng isang lipunang inuuna ang mga mayayaman at iniiwan ang mga mahihirap. Ang kawalan ng edukasyong pampamilya na pumipigil sa pagkamit ng kalidad na edukasyon ay umuugat sa kawalan ng sapat na suporta at oportunidad mula sa mga nakaupo sa pamahalaan. Hindi sapat ang edukasyong kanilang natatamasa upang mas maging wais at maalam sa mga desisyon at aksyong isinasagawa. Nananatiling pribilehiyo ang edukasyon na kung saan ang mga may pera lamang ang nakakapag-aral, kaya nananatiling pangarap na lamang ito para sa mga batang Aeta. Higit sa lahat, walang institusyong naglalaan ng oras at panahon sa pagtuturo sa mga matatandang Aeta ng wastong presyuhan sa merkado, kaya lagi silang umuuwing dehado, talunan, at napagsasamantalahan. Hanggat hindi tinutugunan ang puno't dulo ng suliranin sa edukasyon, hindi makakamit ng mga Aeta ang tunay na kaunlaran at tuluyang mapag-iiwanan. 


Suliraning AETA: Tubig at Transportasyon

           200 galon ng tubig para sa 200 pamilya ang binili at hinanda ng Relevate 2025 Team. Upang maging maayos at mabilis ang distribusyon ng mga ito, bumuo ng isang mahabang pila ang iilang miyembro ng team. Dahil nakakumpol at nakatali pa ang mga galon, ginupit ng nasa dulo ang mga tali na nakapalibot at iniabot sa kasunod nito. Bawat paglingon at pagkuha ay may mga kamay na naka-abang na tatanggap upang maipasa sa susunod. Patuloy ang pagpapasa-pasahan hanggang sa makarating ito sa pinaka-unahan na kung saan nakapila rin ang mga matatandang Aeta na may hawak na stub. Kung mayroon mang ibibigay ang organisasyon sa komunidad, magandang magbigay na lamang daw ng galon ng tubig sapagkat ito ang pinakakailangan nila. Hindi lamang basta tubig ang hinihingi kundi malinis at sapat na tubig. 


           Nakasaad sa Sustainable Development Goals (SDG) ng United Nations ang SDG #6, partikular ang pagkakaroon ng malinis na tubig at sanitasyon para sa lahat. Inilaan din sa IPRA, partikular sa Chapter III, Section 7, ang karapatan ng mga ICC o IP sa ligtas at malinis na hangin at tubig. Malinaw na hindi nasusunod ang mga ito sapagkat nanatiling problema sa Sitio Inararo at Malanac ang pagkonsumo sa malinis at sapat na tubig magmula noong pumutok ang Mount Pinatubo noong 1991. Unang problemang kinaharap ng komunidad ay ang kawalan ng pinagkukuhanan nito. Mayroon silang sariling tangke ng tubig sa kanilang lugar. Ipinaayos ito ng lokal na pamahalaan, ngunit nasira ito at hindi na muling naipagawa dahil malaking pondo ang kinakailangan. Ang mga non-governmental organizations (NGOs) na nagnanais mag-abot ng tulong ay hindi rin kayang maipagawa ang nasabing tangke dahil sa laki ng pondong kailangan ilabas. Ngunit pagdating sa pagpapagawa ng 50 milyon na cauldron o kaldero para sa Sea Games 2019, agaran ang pagwaldas nila ng pera. Kahit ilang beses na itong idinaing sa mga nasa posisyon at kahit may representasyon sila sa munisipyo at kapitolyo, napapako ang mga ipinapangako. Dahil sila ay nasa kabundukan, kinakailangan pa nilang bumaba at maglakbay nang ilang oras upang kumuha ng tubig. May isa pa silang maaaring pagkuhanan–ang simbahan, ngunit kapalit nito ang pagsanib sa kanilang relihiyon at pagdalo sa mga serbisyo nito tuwing Biyernes at Sabado. 


           Buhat ng paglalakad upang makakuha lamang ng tubig, daing din ng mga Aeta ang kawalan ng akses sa transportasyon. Kung mayroon man, kinakailangan nilang magbayad ng P200 upang umupa ng mobile o motorsiklo na may sidecar. Dahil walang pribilehiyo ang iilang mga pamilyang Aeta, mas pinipili nalang nilang maglakad nang ilang oras upang kumuha ng tubig. Lumabas sa datos ng pag-aaral na kadalasang umaabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang pagkuha ng tubig mula sa kabahayan ng mga Aeta sa Nabuclod, Pampanga. Kung mayroon ding transportasyon, ginagamit naman ito ng mga opisyales sa pansariling libangan, katulad halimbawa sa inuman o bakasyunan, kaysa ilaan para sa pangangailangan ng mga mamamayan. Samakatuwid, binibigyang halaga ang pagkakaroon ng mobile sapagkat kailangan ito hindi lamang sa pagkuha ng tubig bagkus sa pagpasok din ng mga bata sa paaralan at sa tuwing may emergency sa komunidad. 


           Bukod sa pinagkukunan at paraan ng pagkuha ng tubig, ang kawalan ng malinis at sapat na tubig ang nagpapahirap sa mga Aeta. Dahil sa tubig na iniinom ng komunidad, kamakailan lamang ay tinamaan sila ng sakit na diarrhea. Dahil ang pinagkukuhanan din ng tubig ng mga IP o ICC sa Nabuclod ay kadalasang nagmumula sa bukal, maaaring pamugaran ito ng iba't ibang sakit, kaya sila nagkakaroon ng diarrhea at abdominal pain. Kahit din kumuha sila ng tubig sa bukal na umaabot ng ilang oras, hindi pa rin ito sapat upang makonsumo o magamit sa pang-araw-araw na aktibidades na kinakailangan ng tubig, katulad ng pagtatanim, pagluluto, o paghuhugas ng mga pinagkainan. Kinumpara rin sa nasabing pag-aaral ang mga karanasan ng mga taga-Camias sa Pampanga na nagpapakita ng kakulangan ng tubig sa bawat pamilya upang maisagawa ang mga gawaing-bahay. Kahit na ibinibili lang din ang kanilang tubig na kanilang inilalakbay ng mahigit isang oras lamang, nakakakuha pa rin sila ng kaparehong sakit na diarrhea mula rito. Isang pag-aaral noong 2023 din ang sumusuporta rito na nagsasaad na walo sa sampung mga batang Aeta sa Barangay Nabuclod at Sitio Camachile ang apektado ng roundworm, hookworm, at whipworm


           Ang malinis at sapat na tubig ay karapatan at pangangailangan ng bawat tao sa mundo. Ngunit, pilit itong ipinagkakait at ipinagdadamot mula sa mga Aeta. Muling maaaninag ang hindi pagtalima sa nakasaad sa IPRA sapagkat nabigyan man sila ng sarili nilang lupain, hindi naman nila napapakinabangan ang mga likas-yaman nito. Makikita rin ang kawalan ng agarang aksyon at pananagutan mula sa gobyerno na siyang dapat nangunguna sa pagresolba ng problema sa tubig ng mga sitio. Ilang taon nang pareho ang sitwasyon ng mga Aeta, subalit wala pa rin nangyayaring pagbabago dahil pilit silang nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sa mga nararanasan ng mga Aeta. Patunay nito ang pagsasawalang-bahala na lamang sa nasirang tangke sa Sitio Inararo at Malanac, ang hindi pagresponde sa mga natatamong sakit dahil sa kontaminadong tubig, at ang paggamit ng mobile sa pansariling kapakinabangan na siyang makatutulong sana sa pagpapabilis ng pagkuha nila ng tubig sa malalayong lugar. Bukod pa rito, ang paggamit ng tubig at transportasyon ay laging may kapalit. Kung hindi kinakailangang magbayad sa presyong hindi naman abot-kaya, sapilitan naman ang pagsasagawa ng mga pangrelihiyong aktibidad na hindi naman tumutugma sa kanilang mga paniniwala. Lugmok na sila sa edukasyon at kahirapan, lugmok pa sila sa kanilang akses sa tubig at transportasyon sa kadahilanang pinagkakaisahan sila ng mga taong dapat ay tumutulong sa kanila. 


Suliraning AETA: Antas at Katayuan sa Lipunan

           "Ano ang tingin ng iba sa mga Aeta?" ang isa sa mga panimulang pambungad sa isinagawang pakikipanayam kasama ang mga matatandang Aeta sa ED. Dahil hindi sila kumportable kung isasagawa itong pormal na naka-upo ang lahat ng mga kalahok, minabuting magkani-kaniya ang Programs Team sa iba't ibang lokasyon. Umupo kami ni Kai sa may damuhan habang inaya naming sumali sa kaswal na diskusyon ang iba sa mga Aeta. Hindi katulad noong unang panahon, hindi na sila nakakatanggap ng diskriminasyon ngayon at buo na ang respetong iginagawad sa kanila sa tuwing bumababa sila sa bayan. Hindi na sila sinasabihan ng mga masasakit na salita, katulad ng "baluga" at "kulot." Sinegundahan nila ito noong taas-noo nilang binanggit na mataas na ang kumpiyansa nila sa kanilang mga sarili. Bukod sa taos-pusong pagsambit na sila ay magaganda, ipinagmamalaki nila ang mga Aeta na nakapagtapos na ng pag-aaral at ang mga Aeta na nagsisilbing representasyon sa kanilang munisipyo at kapitolyo. 


           Sa kanilang sama-samang pagtutulungan upang iangat ang tiwala at kumpiyansa ng bawat isa, unti-unti itong nabubuwag sa tuwing nagkakaroon ng hilahan-pababa sa komunidad na idinulot ng koneksyon ng iilan sa mga nasa posisyon ng kapangyarihan. Hindi maitatanggi ang presensya ng palakasan kapag may kakilalang opisyales sa lokal na pamahalaan. Ang iba sa kanila ay pinapaboran ng kapitan ng barangay, kaya sila lamang ang nabibigyan habang ang iba ay napapabayaan. Bukod sa hindi patas na pamamahagi, hindi rin magkatulad ang karanasan ng mga Aeta sa Sitio Inararo at Malanac mula sa kapitan pagdating sa paggamit ng motor. Habang idinadaing ng ibang Aeta ang kawalan ng akses sa motor, ang iba na may kapit ay kinukutya ang mga kapwa-Aeta na nagrereklamo dahil masyadong silang umaasa sa pamahalaan nito. 


           Hindi naman laging ganito ang sitwasyon pagdating sa tulong na ibinibigay ni Nanay Pineda o ang pulitiko ng mga Pineda sa Pampanga. Ayon sa pakikipanayam sa mga Aeta ng Sitio Inararo at Malanac, mataas ang respeto at pagtingin nila sa kanila sapagkat ibinibigay sa kanila ang kanilang pangangailangan, katulad ng grocery, iskolarship sa mga bata pagtungtong ng Grade 7, libreng pang-ospital, at suplay ng tubig. Kaya sa tuwing sumasapit ang eleksyon, kahit na walang nagaganap na vote-buying, ay sila pa rin ang patuloy na ibinoboto ng mga mamamayang Aeta. Hindi na nila iniintindi kung sino ang karapat-dapat na iboto, basta maiboto nila ang mga tumutulong sa kanila, ang mga kilala, at ang kanilang nakikita sa ipinapamigay na mga pamphlets o posters ng mga kandidato. Ang pamamaraang ito ay umaayon sa konseptong Mere Exposure Effect nila Becker at Doolittle na kung saan tumataas ang posibilidad ng pagkapanalo kapag laging nakikita dahil tumatatak sa isipan. Kaya hindi rin nakakapagtaka na ang kasalukuyang gobernador bago maghalalan na si Gov. Dennis Pineda at Vice Gov. Lilia Pineda ay muling nanalo sa halalan nitong Mayo 2025. Nagpalit lamang sila ng posisyon na kung saan gobernador na si Lilia Pineda habang bise nito si Dennis Padilla. 


           Sa suliranin ng antas at katayuan ng mga Aeta sa lipunan, ipinapakita rito ang unti-unting pagbabago ng lipunan sa ganap na pagtanggap sa mga Aeta. Dahil dito, mas nagiging positibo rin ang pananaw nila sa kanilang mga sarili. Ngunit, ito ay nawawala sa tuwing nagkakaroon ng alitan sa loob ng pamayanan dahil sa pagkapit sa kapangyarihan. Naipapakita ito sa tunggalian ng mga konsepto ni Heywood na Social Citizenship kapag sinisingil ng ibang mga Aeta ang kapabayaan ng estado pagdating sa serbisyong pangtransportasyon at Active Citizenship kapag idinidiin ng mga Aeta (na may kapit) sa kanilang kapwa-Aeta na huwag maging palaasa at matutong tumayo sa sarili nilang mga paa. Ang palakasang nagaganap rito ay nagbubunga ng inggitan, pagkakawatak-watak, at kawalan ng pagkakaisa ng mga Aeta sa komunidad. 


           Bukod pa rito, kitang-kita ang aplikasyon ng patronage politics hindi lamang sa kanilang sitio bagkus ay sa buong probinsya ng Pampanga. Sa lokal na aspeto, ang pagbibigay ng espesyal na trato ng kapitan sa iilang mga miyembro ng mga Aeta ay nagbibigay sa kanila ng mapang-abusong kapangyarihan. Sa pangmalawakang aspeto, ang pagmamalasakit ng mga Pineda sa komunidad sa pamamagitan ng mga materyal na pangangailangan ay nagkakaroon ng kapalit na boto, katapatan, at paniniwala ng mga Aeta sa kanila, kaya napapanatili ang kanilang kapangyarihan. Lingid sa kaalaman ng mga Aeta na ang ginagawa ng mga pulitiko ay pawang mga band-aid solution lamang na walang kakayahang resolbahin ang pangmatagalang suliranin ng sitio. 


Kongklusyon

           Sa ilang taong pagkakaupo ng dinastiyang Pineda sa Pampanga at kahit ng mga lokal na representante sa Sitio Inararo at Malanac, damang-dama pa rin ng mga Aeta ang kawalan ng sapat at malinis na tubig, ang kawalan ng suporta sa pagpapaayos ng tangke sa kanilang sitio, ang isyu ng edukasyon, ang isyu ng teenage pregnancy, ang pananamantala sa mga matatanda sa merkado, at, higit sa lahat, ang kahirapan. Hindi rin napahahalagahan ang IPRA kung kaya't kaliwa't kanan ang paglalapastangan sa karapatang pantao ng mga Aeta at ang pagkamkam sa lupain ng iilan na kanilang pagmamay-ari noong sinaunang panahon pa lamang. Lahat ng ito ay umuugat sa sistemang niroromantisa ang katatagan ng loob ng mga Aeta bilang panangga sa kawalan ng aksyon at pananagutan mula sa pamahalaan.


           Buhat ng patuloy na hindi pagkilala ng iilan sa kanilang karapatan sa kanilang mga ancestral domain, kinakailangang kilalanin at pagtibayin ang IPRA sapagkat ito ang kanilang magiging sandata laban sa mga mapang-abusong indibidwal. Kinakailangang siguraduhin na alam din nila ang mga nakasaad na karapatan dito. Maganda na mabantayan ang mga aktibidad ng mga korporasyon at mga pribadong sektor, lalong-lalo na kung may implikasyon ito sa kalikasan at pangkabuhayan ng mga Aeta. Kapag walang pahintulot, hindi nakuha ang kanilang FPIC, o napatunayan ang anumang uri ng paglabag, marapat lamang na mapatawan ang mga nasabing korporasyon at pribadong sektor ng mas malaking parusa. Bukod pa rito, nananatiling mahirap ang kanilang kabuhayan, kaya marapat lamang din na magbukas ng oportunidad para sa kanila nang sa gayon ay may iba pa silang pagkakakitaan bukod sa pagsasaka at pagtatanim.


           Kinakailangan ding ipokus ng pamahalaan ang pagtuturo ng sex education at family planning nang libre sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga seminar sa kanilang mga lugar. Hindi naman na magiging isyu ang wika sapagkat karamihan naman sa kanila ay nakakaintindi ng Wikang Filipino. Kaakibat nito ay ang pagtuturo sa kanila ng tamang presyuhan sa merkado nang hindi magpatuloy ang pananamantala ng mga mamimili sa bayan. Bukod sa mismong pagtuturo ng edukasyon, magandang makapagpatayo rin ng paaralan na malapit at may magaganda at kumpletong pasilidad nang sa gayon ay hindi na nila kakailanganing maglakbay pa sa malayo upang matuto at makapag-aral. Habang nag-aabot naman ng tulong pang-edukasyon ang lokal na pamahalaan, kinakailangan pang dagdagan ang suporta pagdating sa pamamahagi ng mga modernong kagamitan, katulad ng pagkakaroon ng libreng laptop at internet na pang-eskuwela, at maturuan sila sa wastong paggamit ng mga ito. 


          Dahil tubig ang pangunahing isyu nila, kinakailangang paglaanan ng pamahalaan ng sapat na badyet ang pagpapaayos ng mga sirang tangke at siguraduhin na mayroong mga patakaran sa paggamit nito nang sa gayon ay hindi paulit-ulit na masira. Kung nagawa ng Manila Water Foundation (MWF) ang pagpapatayo ng isang stand-alone water facility sa Sapang Uwak sa Porac, Pampanga noong 2016 at nagawa ng Department of Science and Technology (DOST) Region III at DHVSU ang pagpapatayo ng hydraulic ram pump sa Sitio Camachile sa Nabuclod, Floridablanca, Pampanga noong 2021 upang masiguro na mayroon silang malapit na mapagkukunan ng malinis at sapat na tubig, kayang-kaya ring gumawa ng parehong inobasyon hindi lamang sa Sitio Inararo at Malanac bagkus sa iba pang mga lugar na wala ring akses sa tubig. Hindi lamang tubig ang dapat paglaanan ng pondo; dapat mayroon na ring sariling motor ang mga nasabing sitio na kanilang magagamit sa pang-araw-araw na gawain. Ang motor na ito ay dapat na mahigpit ipagbawal sa paggamit para sa pansariling kapakinabangan na siyang ginagawa ng mga nakaupo sa kasalukuyan. 


           Dahil nagkakaroon ng palakasan kaya ang iba ay nakakalamang at ang iba ay napagsasamantalahan ang mga kagamitang pangkomunidad, kinakailangang pagtibayin ang mga batas o ordinansa sa sitio sa pamamagitan ng pagkakaroon ng transparent na sistema. Kinakailangang alam at mabantayan ng mga Aeta kung saan napupunta ang kaban at mga ari-arian ng bayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pampublikong rekord na aksesible sa lahat. Bigyan ng karampatang parusa ang mga lalabag at mapapatunayang korap sa kanilang tungkulin. Ang mekanismong ito ang pipigil sa siklo ng korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan na siya ring magpapanumbalik sa pagkakapantay-pantay at pagkakaisa ng mga Aeta.


          Bagaman ang lahat ng ito ay idealistic pakinggan at mahirap pa ring isakatuparan dahil naka-ugat na sa sistema ang suliraning AETA, hindi ito imposible kung may gobyernong tapat sa kanilang mga nasasakupan at may bayang kayang ipaglaban ang kanilang karapatan. Kinakailangan pang patambulin ang adbokasiya para sa komunidad ng mga IP o ICC sa pamamagitan ng mga pagkilos o pagkalat ng kaalaman sa iba't ibang birtwal na plataporma. Hindi rin maikakaila na mayroong kakulangan sa pag-aaral ukol sa mga Aeta. Dahil dito, kinakailangan pang magsagawa ng mas maraming Relevate sa bansa na siyang mangunguna sa pagpunta at pakikipamuhay sa mga IP o ICC upang mas lalong maintindihan ang kanilang mga nararanasan. Dahil hindi rin biro ang oras, panahon, at pera na igugugol sa pag-aaral ng mga Aeta, kinakailangan ding paglaanan ng pondo ang mga mananaliksik. Ang mga datos na makakalap ay maaaring magamit sa pagsasagawa ng mga bagong batas at mga programang makatutulong sa pagpapaunlad ng buhay at pangkabuhayan ng mga IP o ICC sa bansa. 


Patuloy silang ngumingiti kahit pinapaalis sa kanilang tirahan. 


Patuloy silang ngumingiti kahit hindi nila alam kung may pagkain at tubig pang lalagaslas sa kanilang mga lalamunan at kalamnan. 


Patuloy silang ngumingiti kahit hindi nila alam kung may liwanag pang tatanglaw sa kanilang kinabukasan.


Patuloy silang ngumingiti sa kanilang mga laban.


Ngunit, hindi lamang dapat makuntento ang lipunan sa kanilang mga ngiti; sa likod ng kasiyahan, patuloy ang mga iniindang sakit at hirap na matagal nang pinapasan. Makakamit lamang ng ating bansa ang tunay na kaunlaran kung masisiguro nito na nakik-AETA ang kanilang kahalagahan nang hindi sila tuluyang mapag-iwanan.


Comments


The Sword '23-'24

  • White Facebook Icon
  • 247-2479249_issuu-black-and-white-logo_e

The Official Publication of UP Political Society

All Rights Reserved.

bottom of page