top of page
Writer's picture Gab Tindig

Ano ang Nakataya sa Isang Administrasyong BBM?


Ilang linggo na lamang bago ganapin ang Halalan 2022, namamayagpag pa rin ang katukayo’t anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) sa mga presidential surveys. Naglalaro sa 50 hanggang 60 porsyento ang nakukuhang numero ni Marcos Jr., samantalang milya-milya ang agwat nito sa pumapangalawang si Vice President Leni Robredo na may 15 hanggang 25 porsyentong voter’s preference lamang.


Hindi maikakailang mataas ang tsansang masungkit ng anak ng diktador ang posisyon sa pagkapangulo. Maraming posibleng dahilan kung bakit. Bukod sa makinaryang politikal, maaasahang balwarte sa Hilagang Luzon (“Solid North”), at kabi-kabilang pag-endorso sa kanya ng mga lokal na dinastiya, malaking salik sa pangunguna ni Marcos Jr. ang talamak na disimpormasyon sa social media.


Sa katunayan, si Marcos Jr. ang pangunahing nakikinabang sa mga mapanlinlang na posts at naratibo online, habang ang mapait niyang katunggali na si Robredo naman ang pangunahing biktima.


Isa sa mga talamak na naratibong ipinapakalat ng mga maka-Marcos na influencers at pages ngayon ang pag-angkin nito sa konsepto ng demokrasya. Nag-uugat ito sa mga anti-Marcos na “sinisiraan” daw ang anak ng diktador at “dinidiktahan” ang mga Pilipino na huwag iboto si Marcos Jr. Pag-atake umano ito sa malayang pagpili ng mga botante na siyang ginagarantiya ng demokrasya. May punto naman.


Subalit, umabot na sa sukdulan ang lahat sa diwa ng #ProtectBBM, kung saan may nagsimulang magpalaganap ng naratibo na “ang pagprotekta kay BBM ay pagprotekta sa demokrasya.


Taliwas sa ipinangangalandakan nilang naratibo, mahalagang linawin na banta si Marcos Jr. sa kinagisnang demokrasya at kabuuang sitwasyong pampolitikal ng bansa.


Art by Rhaña Santos

DEMOKRASYA: HINDI NATATAPOS SA PAGBOTO


Gaya ng salitang politika, maraming pagpapakahulugan sa salitang demokrasya. Kung pagbabatayan ang tradisyonal na kahulugan nito, ang demokrasya ay tumutukoy sa gobyernong pinamumunuan ng bayan, mula sa bayan, at para sa bayan.


Kung gayon, nasa kamay ng nakararami ang kapangyarihan para iluklok ang kanilang piniling lider. Ano man ang kakayahan o pinagmulan ng isang tumatakbong kandidato, hangga’t siya ang napupusuan ng nakararami, siya ang mamumuno. Ito marahil ang pagtingin ng mga maka-Marcos na propagandista at influencers online sa konsepto ng demokrasya.


Gayunman, hindi natatapos sa malayang pagpili ng lider lamang ang usapin ng demokrasya.


Kaakibat ng isang ideyal na demokratikong pamahalaan ang pagkakaroon ng mga lider na may integridad, transparency, accountability, at paggalang sa karapatan at dignidad ng mga pinamumunuan nito.


Sa isang malusog na demokrasya, gumagana ang mga demokratikong institusyon, itinataguyod ang makatao’t makatotohanang lipunan na hindi nakasandig sa kasinungalingan, at pinapahalagahan ang mga pangyayari sa kasaysayan na nagluwal ng demokrasyang nalalasap ng bayan.


Sa isang administrasyong BBM, asahan ang kabaliktaran ng mga nabanggit sa itaas ang mararanasan ng bayan.

 


PAGHINA NG MGA DEMOKRATIKONG INSTITUSYON


Nagsisilbing banta si Marcos Jr. sa nakasanayang demokrasya ng bansa na ginagarantiya ng 1987 Constitution, ang naging Saligang Batas ng bansa matapos pabagsakin ng nagkakaisang puwersa ng taumbayan ang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., ama ni BBM.


Kaya naman, palaisipan marahil kung paano pakikitunguhan ni Marcos Jr. ang konstitusyong nagpapamukha sa paglagapak ng tiranikong pamumuno ng kanyang ama. Sa oras na mahalal siya bilang pangulo, isasabuhay niya ba talaga ang pangangalaga at pagprotekta sa Konstitusyon?


Sa bisa ng Saligang Batas, nasisiguro ang pagkakaroon ng pantay-pantay at nakapag-iisang mga sangay ng pamahalaan (lehislatibo, ehekutibo, at hudikatura). Subalit sa praktika, ‘di hamak na nagiging mas makapangyarihan ang ehekutibo kaysa sa ibang mga sangay. Ito ay marahil lalala pa sa isang administrasyong BBM.


Nariyan ang posibilidad na magkarooon ng Kongreso na may kakarampot o walang boses ang oposisyon, partikular na sa Senado. Ngayong taon, bababa na sa puwesto ang mga nalalabing senador mula sa oposisyon — sina Sen. Leila De Lima, Sen. Franklin Drilon, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Francis Pangilinan. Wala ring malinaw na oposisyong titindig mula sa mga matitirang senador na nagwagi noong Halalan 2019 sa isang administrasyong BBM.


Kaya naman, mahalagang-mahalaga ang Halalan 2022 sa oposisyon dahil dito nakataya ang tadhana nito sa Senado. Gayunman, hindi pumapabor sa oposisyon ang resulta ng senatorial survey sa kasalukuyan. Halos kalahati ng mga nangunguna ay nagmula sa UniTeam, ang senatorial slate ng tambalang Marcos Jr.- Duterte. Si reelectionist Sen. Risa Hontiveros lamang ang nag-iisang kandidato na maituturing na oposisyon na pasok sa listahan ng mga posibleng manalo.


Mahalaga ang papel ng oposisyon sa isang malusog na demokrasya sapagkat sinisiguro nito ang pagkakaroon ng check-and-balances sa loob ng Kongreso. Nagsisilbi itong tagabantay ng posibleng kalabisan ng mayorya at tagabalanse ng kapangyarihan sa naturang institusyon.


Pagdating naman sa sangay ehekutibo, kaduda-duda rin kung paano patatakbuhin ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa kamay ng administrasyong BBM. Ang PCGG ay ang ahensyang responsable sa pagbawi ng nakaw-na-yaman ng pamilya Marcos. Sa kasalukuyan, P170 bilyon pa lamang ang narerekober nito mula sa tinatayang $10 bilyong nakaw ng mga Marcos.


Inamin mismo ni Marcos Jr. na nais niyang palitan ang tungkulin ng PCGG sa oras na maluklok siya bilang pangulo, mula sa paghabol ng kanilang nakaw-na-yaman, tungo sa pagpapalakas ng papel nito sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan.


Kaya naman, hindi maitatanggi na gagamitin ni Marcos Jr. ang kanyang kapangyarihan para panatilihin ang impunidad na natatamasa ng kanyang pamilya sa matagal na panahon. Paano pa ngayon mapapanagot ang pamilya Marcos sa mga panggagatas at kasalanan nila sa sambayanang Pilipino?


Patunay lamang ito na walang pananagutan si Marcos Jr. Wala rin siyang paggalang sa demokratikong institusyon na itinatag para ibalik ang nawalang yaman at dangal ng taumbayan. Sa madaling sabi, hindi pa man siya pangulo, asal-diktador na siya.


Talagang umiikot lamang ang kasaysayan.


Kaya naman, palaisipan din kung paano pangungunahan ng Department of Education (DepEd) ang pagtuturo ng kasaysayan, lalo na sa panahon ng diktadurang Marcos, sa mga paaralan sa ilalim ng administrasyong BBM. Matutupad din kaya ang probisyon sa Republic Act 10368 (Human Rights Reparation Act), na nagtataguyod ng pagtatayo ng mga silid-aklatan at museo para sa mga biktima ng Batas Militar sa panahon ni Marcos Jr.?


Alam naman na siguro natin ang mga sagot. Dahil sa mga nagdaang taon, kitang-kita kung paano pinakinabangan ng pamilya Marcos ang paglaganap ng ‘di makatotohanang kasaysayan at disimpormasyon na pumapabor sa kanila.

 


MAS PINAIGTING NA DISIMPORMASYON


Sistematiko ang paghahasik ng propaganda ng mga Marcos. Inilalathala at pinapaingay ng sari-saring social media influencers ang mga manipuladong naratibo pabor sa mga Marcos, mula sa pagpapaganda ng imahe ng kanilang pamilya, pangmamaliit o pagtanggi sa mga kasahulan at nakawan noong diktadurang Marcos, at pag-atake sa reputasyon ng mga kritko, kalaban sa politika at mainstream media.


Sa oras na maupo si Marcos Jr bilang pangulo, asahan na ang paglala ng paglaganap ng baluktot na kasaysayan at maka-Marcos na propaganda, sa tulong ng makinarya at yaman (resources) ng estado.


Mapapasakamay ni BBM ang kontrol sa mga state media, at ang magiging tiyak na papel lamang nito ay ang maging tagakalat ng mga naratibong papabor sa mga Marcos.


Idagdag pa rito ang paglaganap ng mga media outfit na maihahalintulad sa SMNI, kung saan ituturing na “balita” ang mga propaganda at bibigyang plataporma ang mga red-tagger, at mga influencers na umaatake sa mga mamamahayag at aktibista.


Maipapasa kaya sa panahon ni BBM ang mga polisiya o mekanismong nagreregularisa sa paglaganap ng disimpormasyon online? Halata naman ang sagot.


Nariyan din ang posibilidad ng paghina pa lalo ng mainstream media. Kilala ang media sa pagiging ikaapat na Estate sa isang demokratikong bansa dahil sa kapangyarihan nitong humulma ng pampublikong opinyon. Pero sa pag-usbong ng social media at pagpasok ng panahon ng disimpormasyon, unti-unting nauubos ang kapangyarihang makaimpluwensiya ng media. Asahan na natin ang mas pinalakas na pag-atake sa kredibilidad ng mainstream media, lalo na sa pagbabalita nito ng mga balitang kritikal sa isang administrasyong BBM o sa pamilya Marcos. Tiyak na lubos na makikinabangang dito ang mga maka-Marcos na micro-influencers, na patuloy na aalagwa ang karera kahit walang konsiderasyon sa etikal na pamamahayag.


Ang patuloy na pagbaba ng tiwala sa credible at mainstream media ay nakaaapekto sa paglala ng kalagayan ng disimpormasyon, at kung gayon sa demokrasya ng bansa.


Ika nga ni Nobel Laureate Maria Ressa, “Kung walang facts, walang katotohanan. Kung walang katotohanan, walang pagtitiwala. Kung walang pagtitiwala, walang iisang realidad, walang demokrasya, at nagiging imposible ang pagresolba ng mga eksistenyal na problema ng mundo.”


Kaaway ng mga Marcos ang katotohanan. Sabi nga ni Imelda Marcos, “totoo ang persepsyon, at ang katotohanan ay hindi.”


Kung katotohanan lamang ang pinag-uusapan, hindi rin malabong hindi pahalagahan ng administrasyong BBM ang mga makatotohanang pangyayari sa kasaysayan na nagsilang ng demokrasyang tinatamasa ng bayan.

 


PAG-IWAS SA POST-EDSA HOLIDAYS


Kikilalanin at ipagdiriwang kaya ng isang administrasyong BBM ang Anibersaryo ng Rebolusyong EDSA (Pebrero 25), Anibersaryo ng Pagkamartir ni Ninoy Aquino (Agosto 21), at Komemorasyon ng Pagsasabatas ng Batas Militar (Setyembre 21)?


Paniguradong iiwasan lahat ito ni Marcos Jr.. Kung pagbabatayan ang politika ng alaala, bakit nga naman aalalahanin ni Marcos Jr. ang mga pangyayaring ito kung nagbibigay ito ng masamang imahe sa kanyang pamilya?


Higit sa hindi pagkilala, masama ang implikasyon nang hindi pag-alala ng mga naturang pangyayari, lalo na sa demokrasyang pinanghahawakan ng bayan. Malaki ang impluwensiya ng estado sa buhay ng mamamayan. Kung gayon, kayang-kayang impluwensiyahan ng administrasyong BBM ang taumbayan na hindi pahalagahan ang mga maka-demokratikong pangyayari sa kasaysayan.


Nagawa naman na ito ng pamilya Marcos sa pamamagitan ng walang-katapusang pandudungis sa legasiya ng EDSA, at kabayanihan ng mga biktima ng diktadurang Marcos. Paano pa kaya kung hawak na nila ang makinarya ng estado?


Kaalinsabay nito, hindi malabong tuluyan ng gawing ganap na holiday ang Ferdinand Edralin Marcos Day tuwing Setyembre 11, marahil hindi lamang sa Ilocos Norte kung hindi sa buong bansa, at labis na pahalagahan ang mga “magagandang legasiya” ng pinabagsak na diktador na minsang sumira sa demokrasya ng bansa.

 


HAMON SA BAYAN


Sa kabuuan, walang dudang banta ang administrasyong BBM sa nakasanayang demokrasya ng bansa dahil pahihinain nito ang ating mga demokratikong institusyon, paiigtingin lalo ang disimpormasyon, at isasawalang-bahala ang mga pangyayaring sa kasaysayang nagluwal ng demokrasyang tinatamasa ng bayan.


Ang pagpanalo kay BBM ay hindi pagprotekta, kung hindi pagyurak sa demokrasyang pinanghahawakan ng taumbayan. Ang pagpanalo kay BBM ay malaking kahihiyan sa moralidad at dignidad ng sambayanang Pilipino, na minsan nang pinalayas ang pamilya Marcos na nagkamal ng ating yaman at nagpalugmok sa ating bayan.


Kaya naman, imperatibong huwag nang hayaang makabalik pa sa Malacañang ang minsan nang pinatalsik ng mamamayan, at ipanalo ang laban ng tunay na mangangalaga at magpapayabong ng demokrasya ng bansa.


Sa nalalabing linggo bago maghalalan, hinahamon tayo na lumabas sa ating nakasanayan, lumubog sa mga komunidad, at ikampanya ang mas karapat-dapat na lider para sa bansa. Oras na para ipakita ang radikal na pagmamahal sa bayan, dahil alam natin na demokrasya at dignidad ng sambayanang Pilipino ang nakataya sa laban na ito.

Comments


Commenting has been turned off.
bottom of page