Lumitaw ang mga suliranin ng kababaihan nang manalo si Yoon Suk Yeol, representatibo ng konserbatibong pangunahing oposisyong People Power Party at kilalang anti-feminist, sa halalan noong Marso 9.
Si Yoon ay nakatamo ng 48.56 porsiyento ng boto laban sa 47.83 porsiyento ayon sa National Election Commission ng South Korea. Ang pagkakaiba sa boto ni Yoon at Lee Jae-myung mula sa ruling Democratic Party, bilang mga frontrunners ay binubuo lamang ng 0.73 porsiyento.
Ayon sa exit poll, si Yoon ay nakakakuha ng 58.7 porsiyentong suporta mula sa mga lalaki sa kanilang 20s, kumpara kay Lee sa 36.3 porsiyento – ngunit para sa mga kababaihan na nasa kanilang 20s’, si Lee ay nakatanggap ng 58 porsiyento habang si Yoon ay nakakuha ng 33.8. porsiyento.
Ang pagkakapantay-pantay sa kasarian ay isang partikular na pinagtalunang isyu na kabilang sa demograpikong kaakibat ng halalan sa South Korea. Sa gitna ng isyu ay lumitaw ang katotohanang sa kabila ng pag-unlad ng South Korea sa nakaraang dekada, ang bansa ay nahuhuli pa rin sa iba pang mauunlad na ekonomiya sa mga tuntunin ng agwat ng sahod sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan, at ang pakikilahok ng mga kababaihan sa politika.
Bagama't ang mga kababaihan ay pumapasok na ngayon sa lakas-panggawa ng higit sa 70 porsyento, partikular na sa mga edad na 25 at 34, ang South Korea ay mayroon pa ring pinakamalaking agwat sa sweldo ng kasarian sa lahat ng mga bansa ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD). Ang panliligalig sa lugar ng trabaho ay nananatiling isang patuloy na problema sa South Korea, dahil madalas na hindi naipapatupad ang mga kasalukuyang batas na may kaugnayan sa kasarian.
Limitado pa rin ang presensya ng kababaihan sa politika sa South Korea. Kung sa bagay, laganap pa rin ang gender disparity noong eleksyon. 10.5 porsiyento lamang ng kababaihan sa 934 na hinirang na kandidato na tumakbo para sa mga pwesto sa konstituente. Sa 51 kababaihan naman na nakakuha ng mga pwesto sa parlamento, 25 sa kanila ay inihalal sa pamamagitan ng proporsyonal na representasyon.
Kung gayon, ang mga kandidato ay humarap sa mga usaping patungkol sa mga isyu sa kasarian. Kanilang inihain ang mga kaakibat na kanya-kanyang naratibo at perspektibo sa kampanya upang makakuha ng simpatiya at matiyak ang mga tagasuporta sa halalan.
Para sa karamihan, ang halalan na ito ay isang labanan sa pagitan ng dalawang magkasalungat na pwersa — ang mga progresibo at konserbatibo. Ngunit para sa ilan, ito ay isang laban tungo sa pagkakapantay-pantay.
Ang anti-feminist na pagkilos ni Yoon ay ipinakita noong: (1) Sinisi ni Yoon ang mababang birthrate ng bansa sa feminismo. (2) Nanawagan siya para sa pagpapawalang-bisa sa ministeryo ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, na sinasabi niyang masyadong nakatuon sa mga karapatan ng kababaihan at hindi na kinakailangan. (3) Nangako rin siyang patitibayin ang mga parusa para sa mga maling akusasyon ng sekswal na karahasan at gagastusin ang natitirang pondo sa isang “Korean G.I. Bill” na susuporta sa mga kabataang lalaki na nakatapos ng kanilang serbisyo militar.
Sinang-ayunan naman ng katunggali niyang si Lee ang ilan sa mga sentimyentong ito, ani niya mali ang diskriminasyon laban sa mga lalaki. Ngunit, nangako rin siyang tatanggalin ang agwat sa sahod na naaangkop sa kasarian. Sinabi rin niya na pananatilihin niya ang ministeryo ng kasarian ngunit babaguhin ang pangalan nito sa Korean para hindi na nito isama ang salitang "women."
Ang diskarte ni Yoon ay nakasentro sa paggising sa pagkabigo ng mga kabataang lalaki tungkol sa social mobility at ang patuloy na paglawak ng hindi pagkakapantay-pantay ng yaman na dulot ng mga isyu sa kasarian. Ang diskarte ni Yoon na ito bilang isang populist ay nakakuha ng simpatiya ng mga kalalakihan. Ito ay umabot sa punto na natabunan na ng paksa ng pagkakahati na dulot ng kasarian ang iba pang mga patakaran at pangako.
Ang populist turn sa politika ng South Korea ay nasa kasagsagan din kung kailan ang geopolitical na posisyon ng bansa ay nag-aalinlangan kung ikukumpara sa dati. Kung ang hinaharap ng pulitika sa South Korea ay nakasaalang-alang sa populismo, ang bansa ay muling kinakailangang umasa sa malakas na sibikong kultura ng pakikilahok at protesta ng bansa, upang pangalagaan ang kalidad ng demokrasya nito.
Sa kabilang dako, habang si Lee ay may kalamangan sa kababaihan, nahirapan siya na makuha ang suporta ng mga babae, dahil siya mismo ang naging paksa ng batikos tungkol sa di-umano'y diskriminasyong pag-uugali at maling paghawak niya sa mga kaso ng sexual misconduct ng ruling party.
Ang halalang ito ay isang patunay na malayo pa tayo sa pagkamit ng pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ang panalo ni Yoon ay nangangahulugan lamang na ang mga dibisyon sa pagitan ng mga kasarian ay maaaring lumawak pa. Ito ay nagdulot ng pangamba sa mga kababaihan na para bang ang mga isyu na kinakaharap nila sa reyalidad ay ginagamit lamang para sa political point-scoring.
Ang mga usaping patungkol sa kasarian ay hindi na bago sa mga eleksyon. Katulad na lamang sa Pilipinas, ginagamit ng mga kandidato ang kani-kanilang mga estratehiya upang makuha ang suporta ng lahat ng mga kasarian, partikular ang LGBTQ+. Kapansin-pansin sa aksyong ito ang pahayag ni Davao City Mayor, Sara Duterte tungkol sa kanyang pagiging bahagi ng komunidad. Habang mayroong eleksyon, patuloy na manananalaytay sa kasagsagan ng kampanya ang mga taktika patungkol sa kasarian at kababaihan.
Bagama't tayo, bilang mga mamamayan, ay nagsusumikap na paliitin ang dibisyong dulot ng mga isyu sa kasarian, hindi maiiwasan sa mga lider na tulad ni Yoon na pakinabangan ang mga isyung may kaugnayan sa kasarian na nangangailangan ng pansin.
Tuwing Marso, ipinagdiriwang natin ang buwan ng mga manggagawang kababaihan sa buong mundo. Kung kaya, isang sampal sa mga kababaihan ang tagumpay ng isang anti-feminist at populist leader na namuhunan sa sama ng loob at pagkabalisa ng mga lalaki na manaig ang kababaihan na tanging ang hinaing lamang ay nakalimbag sa pagkakapantay-pantay at paggalang.
Comments