Unang hakbang ko palang palabas ng bangko ay kaagad nang sumalubong ang maalinsangang simoy ng hangin. Kasabay nito, kaagad na bumungad sa akin ang ingay ng mga nagsasapawang boses sa bukana ng Tutuban Center. Sumasabay rin sa mala-korong ingay ang mga busina ng jeep, motor, at iba pang mga makinang bumabaybay sa kahabaan ng makitid at mataong C-1. May sariling paraan ng pagpapakilala ang Divisoria at ang mga karatig lugar nito. Sa kabila ng kaguluhan ng daan-daang tao na araw-araw binabaybay ang mga kalsadang ito, nananatili itong katanggap-tanggap sa lahat ng mga kalahok. Kung tutuusin, mas mahirap hagilapin ng imahinasyon ko ang ideya ng Divisoria na binabalot ng tahimik. Ito siguro ang ibig nilang sabihin kapag nababanggit ang linyang method to the madness. Parte na ng lugar na ito ang nagkakabuhol-buhol na ritmong dala ng magkakahalong ingay, ang iba’t ibang hugis ng mga prutas na madalas ay binabantayan ng tinderong bumubugaw ng langaw, at ang mga mala-krayolang paninda ng mumurahing daster, pantulog, sando, salawal, at pantalon. Parte na ng pagkakakilanlan ng Divisoria ang kaguluhan.
Gaya ng nakagawian, pinili kong maging mapagmasid sa paligid bago maglakad papalayo ng bangko. Nasa harapan nakasukbit ang backpack na dala-dala ko; nasa loob ay nakatago ang perang kakawithdraw ko pa lamang. Pinili ko munang tingnan ang paligid: ang malaking building ng PureGold C.M. Recto, ang mga bangketang nakatoka sa ibaba nito, ang mga kalsadang punong-puno ng mala-alon na dami ng tao at sasakyan, at ang mga posteng may mga binabalandrang poster. Ngayon lang ulit ako muling sumabak sa mataong kalsada. Noong nagsimula ang pandemya at ang mga lockdown, naging matumal na rin kasi ang umaarkila ng mga serbisyo ng T-shirt printing companies. Ang resulta, naantala rin ang maliit na negosyong magdadalawang taon pa lamang na naipundar noong nagsimula ang lockdown. Matagal rin akong hindi nakaapak sa masukal na mga kalsada ng Divisoria. Naging bakante rin kaya ang mga estante at kalsada sa Maynila na kadalasan ay hindi mahulugang karayom?
Mayroon din namang mga pagbabago. Nakapaskil na muli sa itaas ng mga poste ang poster ng isang kandidatong tumatakbo ngayong eleksyon. Mistulang lumulubog-litaw tuwing tatlong taon ang mga abubot ng mga pulitikong nagttrip to Jerusalem sa iilang posisyon ng gobyerno. Binabalandra nila ang mga titulong “anak ng masa” habang nakasuot ng plantsado at bagong biling polo, may mga ngiting kumokorte kasabay ng mga matang nangungusap ngunit halatang may ikinukubli, at mga alcohol sa bulsa na madalas ginagamit pagkatapos kamayan ang mga botanteng halos wala nang makain. Nakakatawang isipin na sa tapat ng isang establisyimentong pinangalan sa dating Claro M. Recto, nakabalandra ang karamihan ng mukha ng mga pulitiko sa panahon ngayon. Parehong matayog ang pagkakapaskil sa kanilang mga pangalan, hindi kayang abutin ng mga kaluluwang araw-araw na binabaka at binabaybay ang mataong Divisoria.
Kung may naiaambag man ang mga poster na ito, dinadagdagan nila ang simula pa lamang ay makulay nang katauhan ng Divisoria. Ang iba’t ibang mga poster ay kakulay ng mga trapal na ginagawang bubong ng mga estante: may kahel, asul, at pula. Sumasabay pa rito ang mga makukulay na bag, damit, prutas, kaha ng yosi, jeep, at iba pang makikita sa Divisoria. Minsan, iniisip kong ang mga kulay na ito lamang ang nagbubuklod sa mga pulitikong nasa matayog na mga posisyon ng poste sa mga masang nagsisiksikan sa baba. Ang mga kulay na ito lamang ang kanilang pinagsasaluhan. Nagsimula na akong baybayin ang kalsada ng Antonio Rivera, palayo sa mas matao at mausok na C-1. Pinaalalahanan ko ang aking sarili sa tunay na gawi ko sa Maynila: bibili pa ako ng tiba-tibang tshirt na pinalilimbagan sa amin ng maraming magkakaibang parokyano. Kung may ipagpapasalamat man ako sa mga pulitikong mala-multo kung magparamdam, ito na siguro iyon. Kasabay ng kanilang paglitaw ang pagdami ng mga order na natatanggap namin.
Pagdating sa tindahang pinagbibilhan ko ng damit, binati kaagad ako ni Boy ng isang ngiti. “O, nakabalik na si suki! Tagal ata nating natengga?”. Sinundan niya ito ng ngiti. “Ngayon pa lang bumabawi. Dumadami nanaman ang nagpapaprint.”. Hindi na bago sa amin ang mas madalas na pagkikita ni Boy tuwing eleksyon. Maliit lang ang kaniyang tindahan, bagamat mayroon itong sariling lugar at hindi lang estante sa gilid ng kalsada. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng kapasidad na magbenta ng mas marami at mas magagandang kalidad na damit. Syempre, walang maiimprenta kung walang pag-iimprentahan. “O siya, tingin ka na muna diyan a! Sabihin mo lang kung ilan ang bibilhin mo.”. Sinagot ko siya ng tango at ngiti. Bumalik na siya sa logbook na kanina pang tinitingnan at iniwan ako sa mga sample ng damit na mayroong magkakaibang kulay at kalidad.
Pinakiramdaman ko ang iba’t ibang tshirt na kulay pink. Makikita pa sa paraan ng kanilang pag-order ang sigasig ng suportang handa nilang ibigay. Kumpara sa ibang mga nagpapa-imprenta, mas naaayon sa panahon ang disenyo na nais nilang ipaburda. Bagamat sa Facebook lang din lumapit, halatang may kabataan ang mga nagpapaimprenta. Ito ang unang order na nakuha ko ngayong eleksyon at pagkatapos magkumpirma ay nagdagsaan na ang iba pang nagpapaimprenta ng pampulitikang damit. Kaya naman sa pagmamasid ng iba’t ibang kalidad ng tshirt ay hindi ko maiwasang makita ang kulay rosas bilang takda ng pagbabago. Kasabay ng kanilang pag-order ay ang pagbangon mula sa kawalang dala ng pandemya.
Sunod ko namang tiningnan ang kulay pula. Kung itatabi sa kulay rosas, nagmumukha itong dugo. Akma na rin siguro sa pasimuno ng pagsusuot ng kulay na ito. Hindi ko mapigilang matawa ng bahagya. Minsan, kapag naaalala ko kung saan maaaring tumungo ang susunod na anim na taon, tawa na lang rin ang reaksyong lumalabas sa akin. Trahedya kung ituring ang makulimbatan ng isang magnanakaw at mamamatay tao ng iilang taon. Komedya na siguro ang piliing maranasan itong muli. At kasabwat na siguro sa malakomedyang krimen na ito ang mga tulad kong tumutulong sa produksyon ng mga abubot ng isang kriminal. Pero ano ba ang magagawa ko? Mahirap tanggihan ang grasya, lalo na kung mahigit isang taon nang walang kita. Hindi dapat kagatin ang kamay na nagpapakain, kahit kutsarita lang ng kanin ang pinamamahagi niya sa sako-sakong yaman na kaniyang nakulimbat.
Sinenyasan ko ng tingin si Boy. Nang mapansin niyang handa na akong bumili, tinuro ko ang brand ng damit na bibilhin ko. “Bente piraso ngang ganito na pink. Tapos singkwenta pirasong pula.”. Napakamot ng ulo si Boy at sumagot. “Naku, suki. Hehe, pasensya ka na a. Iilan na lang kasi yung natitirang pula namin na ganiyan ang brand. Alam mo na, maraming bumibili ng ganiyang kulay ngayon.”. Napailing na lamang ako nang may kasabay na ngiti.
Tang ina, nag-alamano na’t lahat, mabenta parin.
Kommentare