nagmamahal,
- Erin Mauricio
- Jun 9
- 1 min read

sinta,
dito sa ating mundo ng panandaliang alaala, sa
pagkupas na ng panahon ng ating pagsama,
hinihiling kong intindihin at alalahanin ang
nag-iisang katotohanan na hindi ko masalita:
ang hidwaang pumapagitan sa kamay nating dalawa
ay hindi masusukat sa iyong pagkukulang;
ang pagmahal ko ng iba’y hinding hindi dahil nawala
ang pabugso-bugsong tibok ng puso
tuwing ikaw ang nasa piling ko.
hindi, mahal — walang ibang pumapalit sa’yo kundi
ang tawag ng pagsigaw sa lansangan,
ng pagparada ng karatula sa hagdan ng
palma hall, ng paglalaban para sa kalayaan at
kapayapaan nating dalawa. ang oras ko’y
kinakain ng walang humpay na pagsusulat at pagbabasa
ng mga artikulo’t sanaysay upang malaman kung papaano nga ba
makalaya mula sa mundong mapanghusga —
giliw, minamahal ko ang pulitika nang balang araw ay buong-pusong mahalin ka.
yung tipong pagmamahal na walang pag-aalinlangan o pagtatago,
na hindi nangangailangang bitawan ang kamay mo kapag lumapit
sa mga mukhang nanggaling sa aking nakaraan, na maipapalibot sa’yo
ang bawat isa sa mga bente kwatro-oras ng araw ko dahil ikaw na ang
natatanging tahanan ng puso.
ngunit sa ngayong hindi pa ito makakamit, bubuhayin ko ang panaginip nating
magkaroon ng mundo kung saan maaaring umasa’t umibig
habang nakapaloob sa mainit na yakap mo —
ang pagmamahal sa’yo ay ang pakikibaka ko,
tuluyang lalaban, ipaglalaban, hanggang sa hindi na kaya.
Comments