Piring ng Hustisya
- Megan Manlapaz
- 30 minutes ago
- 1 min read

Kung wala kayang piring ang katauhan ng hustisya, magagawa niya kaya?
Na tingnan sa mata ang mga taong nagdurusa’t naghahanap sa kaniya
At makitang ang bigat ng salapi, hindi ebidensiya, ang naging mahalaga
Sa mga paghahatol na sa mga kagalangalang na hukuma’y ginagawa.
Dumadagundong ang pagtangis at paghikbi sa kaniyang mga tainga
Sa mga taghoy na paos, nagsasabing, “nasaan na ang aming hustisya?”
Habang hinahaplos ng mga ina ang litrato na may luha sa mata
Ni hindi siya maramdaman ng mamamayan na hanggang ngayo’y nagluluksa.
Nakakangalay. Nakakapagod. Nakakainip. Lahat, pwede mo nang masabi.
Habang sumisigaw ang nagdanak na dugong api na natutuyo sa sahig
Nananatiling mabagal, malamig ang makinarya sa pagkamit ng hustisya.
Binibining Hustisya, kasing-lamig ba ng ‘yong estatwa ang puso ng may sala?
Kung ‘yon ang dahilan kung bakit nakapiring ka, baka oras na upang magdal’wa
Nang malaman mo na ang iyong imahe’y kumukupas na, gawa ng walang awa.
At kahit na gano’n, marami pa rin ang pilit na umaasa sa iyong saksi
Na magagamit ang siyang espada upang maitama ang timbang na nakausli.






Comments