top of page
Writer's pictureFitzgerald Hipolito

'Di Lang Bilang


Disyembre 3, 2021. Biyernes. 12:51PM.


Tirik ang araw. Sa gantong oras, sa may Gitnang Bayan pa karamihan ng mga sumasakay. Simula dulo ng siyudad hanggang Munisipyo, walang mga nag-aabang sa mga bangketa. Ngayon, papuntang Ospital na yo’ng ikot ko. Pagliko sa interseksyon, do’n na pumapasok ang kita. Habang pula ang ilaw ay may sumakay.


“Manong, pwede po ba kayo ma-arkila ngayong Sabado ng hapon, mga two hanggang four?” Binatilyo base sa boses.


Nag-berde yo’ng ilaw kaya ‘di ko agad nasagot. Inantay kong sumentro ang manibela pagliko bago magsalita.


“Bakit ho ‘yon?” Tanong ko sa tanong niya.

“Maghahatid po sana ng mga pupunta sa libing ng pinsan ko.” Sagot niya.


‘Kinabig ko pakanan ang manibela para itigil sa may sakayan sa Gitnang Bayan. Bumusina ako mangilang beses at ‘tinaas yo’ng karatula ng ruta para makita ng mga nag-aabang na pasahero. Wala masyadong nakapila sa kanang bangketa dahil nanggagaling yo’ng mga pasahero sa palengke sa kaliwa. Hinihintay ko silang tumawid.


“Ah, nako pasensya na ho. Naka-arkila na rin ako niyan, parehong oras din. Kung gusto niyo ho, ‘bigay ko number no’ng kasamahan namin na may jeep din, baka pwede siya.” Balik ko sa kaniya.


Dati na ‘kong nakukuha para maghatid sa mga libing. Iba lang ngayon, mas madalas ako naaalok simula nung pinayagan na kami uli bumiyahe. At saka, minsan ‘di ko rin mapigilang isipin kung yung namatay ba eh dahil sa bayrus o iba. Hayaan ko na lang, pasalamat na lang ako at ‘di pa ako nahawa kahit araw-araw ako bumibiyahe. Wala nang spray-spray ng alcohol sa barya, wala na si Mama para mangonduktor eh.


“Ah... gano’n po ba?” Sabi niya na parang dismayado.


Sinabi ko sa binatilyo ‘yong number habang nag-aabang ako ng iba pang pasahero. Marami na uli sumasakay ngayon pero kumpara sa bago magka-pandemya, mas mahina pa rin ang kita. Lugi sa krudo, mas marami pa namang taas ‘yon kesa bawas-presyo. Nahahalungkat ko mga barya-barya sa lagayan ng pera pero sandali lang naglalabas ng krudo yo’ng pump ng gasolina. May binabayaran din pa akong utang para ma-ilibing si Mama noon na nadali rin ng kobid na ‘yan.


“Sige po, salamat po.” Sagot niya sakin bago umusog sa may pinto.


Tumawid na rin ang mga nasa kabila. Maraming sumakay, problema nga lang eh tatlo sa kanila’y buong 100 ang binayad, kani-kaniya pa. Naiinis ako ‘pag malaking pera binibigay pero isa lang naman binabayaran. Dati may pasahero akong laging sumasakay na umaga pa lang buong 100 na agad binabayad. Buti kasama ko pa mamasada si Mama no’n, siya bahala manukli. Pero ngayon, ako na sa pagmamaneho at panunukli.


Nanukli muna ako bago uli umarangkada. Clutch, kambyo sa primera, timpla ng silinyador, at usad na. Kailangang kumayod.



6:49PM.


Malamig yo’ng simoy ng hangin. Lumabas ako sa karinderyang busog at mainit ang tiyan. Magandang ulam yo’ng tinola nila pagkatapos ng mahabang biyahe: masarap, mainit, nakabubusog, sulit, at mabilis. Bagay sa’king ‘di marunong magluto at gusto agad kumain pagka-biyahe. Siguro kung ikukumpara ko, pinakamasarap na tinolang nakain ko eh yo’ng kay Mama, ta’s sumunod ‘to. Una ko’ng punta rito no’ng unang ma-ospital si Mama kaya ‘di siya makapagluto, kaso wala eh natuluyan na. Ngayon, ito na ang binabalik-balikan ko. Himala rin siguro na ‘di pa ako nahahawa rito at dumarami na rin mga kumakain.


Habang pa-uwi galing karinderya, naraan ako sa terminal ng traysikel. May mangilang-ilang mga drayber na nakapila’t nag-aabang ng pasahero. Lahat sila nakatingala sa TV na nakakabit sa bandang itaas ng waiting shed. Balita na pala. Nakinood na rin ako at baka may ‘di ko maabutan pag-uwi. Tumabi ako sa isa sa kanila para mas mapanood ko nang maayos ‘yong TV.


“Magandang gabi po. Nakapagtala ngayong araw ng 1037 na bagong kaso ng COVID. Apatnapu ang na-italang namatay, ngunit nasa 258 naman po ang mga bagong recoveries.” Sabi no’ng reporter habang inaayos niya ang mga papel na hawak niya sa table sa harap niya.


“Tang ina pre, kasama sa bilang ng mga namatay asawa ko. Ta’s sandali lang ‘papakita?” Medyo pabulong na sinabi ng drayber sa harap namin sa katabi niya.

“Eh an’lakas pa no’n no’ng hinatid ko galing sa palengke no’ng isang linggo ah?” Sagot ng katabi niya.

“Oo pre eh. Wala malas talaga, sa palengke ata nakuha. ‘Di ako nahawa, pero ‘lam mo ‘yon? Magpapasalamat ba ako? Kasi namatayan din ako eh.” Balik naman nung drayber.


Ramdam ko si bossing, gulong-gulo rin ako no’n kay Mama eh.


Nag-iba naman yo’ng reporter na nasa TV pagkatapos no’ng sa bilang sa kobid. Naka-gown, lipstick, at naka-aayos ang kilay. Nakangiti siya habang sinasabi niya ‘yong mga linya niya. May pagka-maarte siya sa pagsasalita.


“Chismis sa social media ngayon ang kumakalat na picture nila _____ at _____ na magkasama sa La Union! Sabi naman ni ____ ay nagbakasyon lang silang dalawa ‘as friends’ at walang halong feelings!” Sabi no’ng reporter. Pinakita rin sa TV yo’ng interview sa dalawang artista para makuha yo’ng panig nila. May mga pake pa ba sa ganiyan?


‘Di ko na tinapos. Bibiyahe uli kinabukasan, kailangang bumawi ng tulog.


Art by Raph Buensalida
 

Disyembre 4, 2021. Sabado. 7:57 AM.


Medyo makulimlim at malamig ang panahon. Sumipsip ako ng kape sa paper cup na hawak ko. Medyo nakapapaso ‘yong init kaya ‘nilapag ko muna sa mesa. Tumayo ako at umunat sabay lapit sa jeep kong naka-angat at tanggal ang mga gulong sa likod.


“‘Musta? Palitan na ‘no?” Tanong ko kay Boss Ding, ang mekaniko sa talyer rito. Nagpunas muna siya ng mukha gamit ang towel na puro mantsa bago sumagot sa’kin.

“Oo. Kasi... ‘to oh tignan mo.” Aniya sabay kalikot sa looban ng preno ng jeep. Alas otso pa lang pero marumi na agad kamay niya. Makatapos ang ilang pagpihit niya sa screw ay ‘pinakita niya sa’kin ang drumbrake. Yumuko ako para mas makita nang maigi.


“Pudpod.” Sabi ko nang patawa. “Edi pati ‘yong kabila na ‘no?”

“Syempre, pantay pagka-ayos ko sa likod eh. ‘Pag pudpod ‘yong kanan, pudpod din ‘yong kaliwa.” Sagot ni Boss Ding na parang pantanga yo’ng tanong ko.


Sumipsip uli ako sa kape. Medyo lumamig na sa panghawak. Kinapa ko sa bulsa ko yo’ng selpon ko para tawagan si Ma’m na magpapa-arkila mamayang hapon. Sumagot naman agad.


“Hello po, Mang Paeng?” Sabi ng boses sa kabilang dulo.

“Ah, magandang umaga ho Ma’m. Tanong ko lang ho kung tuloy mamayang hapon?” Tanong ko sa kaniya nang medyo mahinang boses.

“Ah, opo, Mang Paeng. Pero ‘yong sa oras po, kung kaya ay makapunta kayo rito kahit mga one hour before i-pick up yo’ng mga kamag-anak ko. Tanghalian po muna kayo sana.” Imbita ni Ma’m sa’kin.

“Tignan ko ho Ma’m ah.” Sagot ko nang may mas magalang na tono, sabay dagdag ng “Pinapaayos ko ho yo’ng preno at langis ng jeep dito sa talyer. Pero wag ho kayo mag-alala, mabilis lang lang naman ‘to.”


Nagpasalamat siya at do’n na natapos ‘yong tawag namin. Dinig ko ang mga buwelo ni Boss Ding sa pag-hatak niya ng mga bagay-bagay sa may jeep. ‘Nilalagay na niya yo’ng preno para sa likurang kanan.


“Abot ‘yan. Ako pa, batak na’ko rito.” Komento ni Boss Ding sa tawag namin sa selpon. “Ano ‘yan, maghahatid sa libing?”

“‘Di, lamay lang. Pero pinapupunta rin ako para magtanghalian.” Sagot ko.

“Sa tingin mo ba namatay sa kobid ‘yan?” Balik niya, sabay inom ng tubig.

“‘Di ko nga alam eh. Pero ke-kobid o hindi, basta dagdag kita kinukuha ko na. Hirap din ng buhay ngayon eh.” Sagot ko uli. Parang napa-isip siya sa sinabi ko.

“Ah, o’nga pala. Naalala mo ba si Tang Erwin? ‘Yong laging nakalabas tiyan ta’s nagsisigarilyo sa may pinto? Namatay na no’ng isang araw. Kobid daw.” Naramdaman kong bumigat yo’ng dibdib ko pagkasabi niya no’n.

“Ha? Eh ‘di ba siya pa nagpalit ng langis nito no’ng huli? Sa’n nakuha?” Tanong ko nang medyo malakas na boses.


‘Di raw alam sa’n nakuha dahil minsan lang din naman magtrabaho rito sa talyer simula mag-pandemya. Mabilis lang daw namatay simula no’ng nakitaan ng mga sintomas, mga higit-kumulang limang araw. Minsan ko lang maka-usap si Tang Erwin ‘pag napupunta ako rito, pero lagi ko siya nakikitang kumakalikot ng mga bigating gawain sa jeep. Pag-ayos ng makina, pagkalikot sa gearbox, pag-check ng suspension. Medyo malaki katawan no’n ah, nadali pa ng kobid?


Umupo ako at inubos yo’ng kape kong nanlamig na. Mga mag-alas onse natapos yo’ng jeep. Binigay ko ang bayad at pasasalamat, at saka dumiretso sa punerarya. May mabilis na paalala rin siya sa’kin habang minamaneobra ko ‘yong jeep.


“Paeng! ‘Wag mo kalimutan magpagpag ah, baka ikaw sumunod kay Tang Erwin.”

“Oo, ako bahala.”



1:06PM.


Ala-una. Tirik ang araw. Ipinarada ko yo’ng jeep sa tabi ng punerarya at pumasok. Binanggit ko sa nakabantay na guard yo’ng pangalan ni Ma’m.


“Sandali lang po ser, tawagin ko lang.” Aniya. Umakyat siya sa tabing hagdan at bumaba rin agad kasunod si Mam.

“Pasok po, Mang Paeng.” Imbita niya nang may mahinhing boses.


Walang ibang tao sa loob, pero pa-hiya pa rin akong pumasok. May mga upuang magkakahiwalay at saka mga mesa sa gilid na may mga pagkain. Meron ding tubigan, mga paper plate at paper cups. Sa harap ng kwarto ‘yong abo no’ng namatay katabi ng litrato niya. Lumapit ako para magbigay respeto. Base sa litrato, babae na medyo may katandaan, siguro mga nasa kwarentang anyos na.


“Kain po.” Direkta sakin ni Ma’m sabay abot sa’kin ng gamit pangkain. “Pili na lang po kayo, marami naman po ‘yan.”


May kanin, may mga sinabawan, may pansit, may kakanin, at may mga tinapay. Na-isip kong mag-sinabawan na lang dahil malapit na’ko mangatog sa lamig ng kwarto. Kumuha ako ng paper cup at nagsalin ng lugaw, habang biko naman nilagay ko sa plato. Masarap naman, pero wala pa ring tatalo sa luto ni Mama. Nagka-kwentuhan kami ni Ma’m nang sandali tungkol sa Nanay niyang namatay.


Pagkatapos ko kumain ay kumuha ako ng inumin at saka namaalam kay Ma’m. Susunduin ko na yo’ng mga kamag-anak niya. Nagbigay siya ng pag-iingat, at umalis na’ko.


‘Di naman karamihan yo’ng mga sinundo ko, mga pito o walong tao lang ata. Mabilis lang yo’ng biyahe papunta’t pabalik, mga tatlumpung minuto lang siguro balikan. Pero sa tatlumpung minutong ‘yon, marami sila napag-usapan tungkol sa namatay at kay Ma’m.


“Nagka-usap lang kami ni Tita Me-an no’ng isang araw ah?”

“Lagi niyang sinasabing magtiwala sa Diyos. ‘Di siya nawalan ng lakas ng loob.”

“Dati pasaway ‘yan si Me eh, laging nasa guidance. Pero nag-iba nang manganak.”

“Iniwan siya ng mister niya, pero napalaki naman nang maayos anak niya.”

“Kakayanin kaya ng anak ni Me-an? Diyese-otso anyos pa lang siya, wala na pareho magulang niya.”


Mga ganiyang usapan. Pagdating sa punerarya, pinababa ko muna sila’t pinarada ang jeep. Sa labas na lang ako nag-antay, nakakahiya uli pumasok. May sari-sari naman sa tapat kaya bumili na lang ako ng dalawang stick ng sigarilyo at tubig.


Pagbalik ko, may naririnig akong boses na nagdadasal mula sa taas ng punerarya. Misa ata, kaya nakinig na rin ako. Paalala lagi ni Mama na magpasalamat sa Diyos bawat oportunidad na meron eh.


Matapos ang halos isang oras, may lumabas na pari pero may nakasalubong siyang babae sa pinto. May nakabalot na parang lampin sa balikat niya’t nakasuot ng maluwag na pantalon. Nakasukbit sa kaliwang braso’y itim na bag na may kumikinang na zipper. Magkamukha yo’ng suot niya sa nasa litrato. Mabilis maglakad.


“Magandang hapon po.”


Boses uli galing sa taas, pero ngayon boses ni Ma’m. May mga sinabi siya pero purong Ingles kaya ‘di ko gaano naintindihan. Biglang naputol yo’ng mikropono, at ibang boses naman ang nagsalita. Hinihingal pa.


“Ako po si Grace, kaibigan ng nangamatay nating Me-an.” Sabi niya. Medyo malalim boses niya, siguro mga nasa kwarentang anyos. Nag-kwento siya tungkol sa araw nila no’ng kolehiyo. Natatawa ako sa ibang mga parte eh, totoo ata yo’ng sinabi sa jeep kanina.


“Lagi nag-aaya mag-cutting at uminom na lang. Kung kulang pera namin sa alak, sa bilyaran kami sa may pagtawid ng campus. Himala siguro na sabay kaming naka-graduate without delay.” Sabi ni Grace.


Nagkwento pa siya tungkol naman sa pagiging magaling no’ng Me-an sa mga art subjects nila. Nasabi niya na pagdating do’n, lagi siyang nakakakuha ng uno. ‘Di ko naabot ang kolehiyo, pero mataas na grado ata ‘yon.


Sumunod naman na mag-kwento si Ma’m. Medyo emosyonal na siya nang magsalita sa mikropono. Tungkol naman sa kabataan niya at kung paano siya inalagaan no’ng Me-an – yo’ng nanay niya.


Kasabay ng pag-kwento niya sa nanay niya, inalala ko naman yo’ng sa’kin. May mga pagkakaparehas din mga karanasan namin kahit na nasa dalawampung taon yo’ng pagitan ng edad namin.


“Si Mommy ang teacher ko sa bahay. Lagi niya ako tinutulungan sa homeworks at projects namin noon. Kapag maayos naman yo’ng mga nakukuha kong grades, lagi niya ako inuuwian ng ice cream.”


Sa’kin, si Mama parang principal naman. Sobrang strikto sa pag-aaral ko dahil yo’n daw ang makaka-ahon sa’min sa hirap. ‘Di ako matalino, kaya minsan lang ako makakuha ng mataas na grado. Kung makakuha man, binibilhan ako ni Mama ng sorbetes na nadaraan lagi sa’min no’n.


“Overprotective si Mama sa’kin. Tuwing aalis ako at may kasamang lalaki, tinatanong niya lahat ng details ng gala namin. Saan? Kailan? Paano ang transpo? Kaibigan ba talaga nila ako o sikretong jowa?”


Ayos ah. Sakin no’n, maaga namatay si Papa kaya pagka-graduate ko ng hayskul, ako na namasada sa jeep namin kasama si Mama. Minsan niyang sinabi sa’kin na maghanap ng gerlpren na mayaman para makaahon sa kahirapan.


“No’ng nasa ospital na si Mama, lagi niya naman niya ako nire-remind na magtiwala sa Diyos. Dahil daw sa Kaniya, naitawid niya yo’ng pagiging single mom niya. Dahil daw sa Kaniya, kinaya niya magbago para maipalaki ako nang maayos. Dahil daw sa Kaniya, naging anak niya ako.”


Sinindihan ko na yo’ng pangalawang stick ko. Lagi rin sakin pinapaalala ni Mama na magdasal bago matulog at pagkagising. Siya rin nagsabit ng rosaryo sa jeep namin para raw ligtas lagi ang biyahe. Tuwing Linggo, ‘di kami namamasada hangga’t ‘di kami nakapagsisimba sa umaga. Naalala ko pa sinabi niya sa’kin no’n sa ospital no’ng huling punta ko eh.


Ipagdadasal ko na laging magiging maayos ang kalusugan mo, anak. Nagpapasalamat ako sa Diyos na ako ang naging nanay mo, kaya ipagpaloob mo lang lahat sa Kaniya at magiging okay ka.


Madaling sabihin, mahirap gawin. Kahit anong dasal ko, hindi ako magiging okay na nadali ng kobid si Mama. Lalo na’t parang wala lang naman sa marami yo’ng bilang ng mga namatay, walang paki yo’ng mundo na namatay si Mama.


Pagkatapos ng programa ay kinita uli ako ni Ma’m sa labas at ‘binigay yo’ng bayad. Dalawang libo lang napagkasunduan namin, pero nagbigay na siya ng sobrang 500. Sinubukan kong ibalik, pero pasasalamat na rin daw niya ‘yon. Nagpasalamat ako at bumiyahe na uli. Mas malaki pa rito ang babayaran.



8:03PM.


Naghapunan muna ako sandali sa karinderya bago uli bumiyahe. Onti lang yo’ng mga kumakain pagpasok ko kaya dumiretso na ako sa hilera ng pagkain bago umupo. Tulad ng lagi, tinolang manok at kanin ang order ko. Kumuha ako ng kutsara-tinidor at saka umupo sa mesang nasa gitna para maayos pwesto pag-nood sa balita.


“Magandang gabi po! Nakapagtala ngayong araw ng 1553 na bagong kaso ng COVID. Tatlumpu’t dalawa ang na-italang namatay, ngunit nasa 307 naman po ang mga bagong recoveries.”


Tumaataas mga kaso ah. Bagong baryant nanaman ba?


“Para naman sa ating celebrita chika ngayong gabi, tila may pinaparinggan si _____ sa kaniyang bagong Instagram post! Sabi niya sa caption, ‘Let go of toxicity and focus on your own happiness.’ Nang tanungin naman namin ang kaniyang ex na si _____, wala naman daw ‘bad blood’ sa pagitan nilang dalawa!” ‘Tang ina naman ng mga gan’tong balita. Hayaan niyo na lang kaya sila sa problema nila?


Minasa ko na yo’ng kanin para mas mabilis lumamig at saka humigop ng onting sabaw ng tinola.


“Ba’t gano’n?”


Matabang, iba sa laging timpla. Baka masyado lang mainit. Hinipan ko muna ng ilang beses bago uli humigop.


“Matabang talaga.” Sinalinan ko na lang ng patis baka sakaling madagdagan ng lasa. Habang sinasalinan ko, nakaramdam ako ng kati sa lalamunan ko at na-ubo ako. Kailangan ko na ata maghinay sa sigarilyo.


Tinikman ko uli yo’ng sabaw. Wala, matabang pa rin talaga. May halo atang tubig to’ng patis nila ah. Hinayaan ko na lang, gutom na ako. May biyahe pa bukas nang maaga.


Comments


Commenting has been turned off.
bottom of page