Ilang kanto na lamang ang layo ko sa bahay, pero nagliliwaliw parin ang aking isipan. Kagabi kasi ay nag-away na naman kami ni Marites. Simula noong nagkapandemya, bumaba na ang bilang ng mga labadang natatanggap niya. Pangulo na mismo ang nagsabing manatili na lang muna sa bahay. Kahit pwede nang lumabas, todo iwas pa rin ang mga kumare niyang magpalaba, dala na rin siguro ng takot magkasakit. Sa bagay, mahal magpa-test at mas mahal magpagaling. Hindi rin naman naipambabayad sa ospital ang isang kilo ng bigas at iilang delatang galing sa ayuda. Pero hindi rin naman sapat ang mga ito para magpakain ng isang buong pamilya. Kahit saglit na naantala, masuwerte na rin sigurong nakabalik ako sa konstraksyon, pero isang kahig, isang tuka parin. Nilalakad ko na nga lang ang papunta’t pauwi para lang makatipid. Sinabihan ko si Marites na hindi na sapat ang paglalabada pero pasinghal lang itong nagalit sa akin. Kung hindi raw kami nag-alsa-balutan mula sa probinsya baka hindi kami hirap dito sa Maynila. Napagbuhatan ko tuloy ng kamay. Nagkaayos din naman kami, kahit na ramdam kong may tampo parin siya sa akin.
Pagpasok ko ng bahay ay sinalubong ako ni Marites. Kasabay nito ang isang malaki at nang-eengganyong ngiti. Ngiting parang may isasalubong na magandang balita sa akin. Hinalikan niya ako sa pisngi, samantalang hindi naman niya ito ginagawa dati. Siguro hindi na masama ang loob niya sa akin. “Mahal, mag-ayos ka na ha. Magbihis na’t nang makakain tayong dalawa”, malumanay niyang bati sa akin. “Nagluto ako ng paborito mong kaldereta”, masiglang dagdag pa niya.
Paglabas ko ng kwarto ay kita pa ang usok mula sa sinaing. Nakalagay na ang kanin sa aking plato at nasa gitna ng lamesa ang kalderong may pulang sarsa ng kaldereta. Nakakatakam. Dali-dali akong umupo sa tapat ni Marites at kaagad na sumandok ng ulam. Laking gulat ko na lamang nang may daliring nakahalo sa mga patatas na nasandok ko. May kulay pa ang kuko at medyo kulubot na ang balat. May singsing na nakakabit dito.
“Putang ina Marites bakit may daliri ng tao sa kalderetang ‘to!”, tindig-balahibo kong sigaw!
Direkta akong tinitingnan ni Marites. Mahinahon ang kaniyang mga mata. Walang bakas ng takot at pag-aalala. May mahinang ngiting gumuguhit sa kaniyang mga labi. Ngiting nang-eengganyo. Ngiting unti-unting lumalaki. Ngiting parang may magandang balitang isasalubong sa akin. Malumanay at kalmado siyang nagsalita
“Pasensya ka na, mahal, mataas ang presyo ng baboy sa palengke. Huwag kang mag-alala, hindi naman na magpapalaba ng damit si Kumareng Lucy sa akin.”
Comments