top of page
Writer's pictureJohn Rovic Catangay

Mga Pumupurol na Hugis

Updated: Jun 1, 2021

Mahigit isang taon na mula noong huli kong masilayan ang matao, mausok, at ‘di mahulugang karayom na kalsada ng Maynila. Simula noong inanunsyo ang lockdown na dapat sana’y isang linggo lang ang itatagal, marami na rin ang nagbago. Noong mga panahong normal pa ang lahat, isa akong estudyante ng La Salle. Dahil nakatindig ito sa gitna ng isang siyudad na para bang hindi alam ang salitang pahinga, maraming nangyayari sa paligid ng eskuwelahang ito. Kadalasan ay nasisilayan ko ito mula sa komyut papasok hanggang sa biyahe pauwi.



Nagsisimula ang araw ko sa pagsakay sa mga nakatokang jeep sa Taguig. Matapos kong suungin ang mala-sawang haba ng pila nito sa umaga, makakatulog ako sa jip habang hinihintay itong makarating sa EDSA station ng LRT. Makikipagbunuan ako sa mga tao hanggang sa makasakay. Magsisiksikan kaming parang mga sardinas sa lata. Maghahalo-halo ang amoy ng malalakas na pabango at mga tumatagaktak na pawis. Gagatungan ng siksikang biyahe ang pagod na pinapakita ng nagbabagsakan ko nang mga mata. Nagsisimula pa lang ang araw, gusto ko nang magpahinga. Tatlong estasyon ang lilipas at bababa ako sa Vito Cruz. Sasabayan ko ang mga taong tumatawid mula sa tapat ng College of Saint Benilde para makapasok sa La Salle. Magmamadali akong mag-ayos sa CR. Magpupunas ng pawis, magpapalit ng damit, at maglalagay ng pabango. Kakaripas ako sa klasrum at buzzer beater akong hindi malalate. O kaya naman ay tatlumpung minuto nang nagsisimula ang klase at basta-basta na lang akong papasok na para bang walang nangyari. Kunyari, hindi ako nahuli.



Makikipagtsismisan ako sa mga kaklase’t kaibigan kapag mahaba ang break. Pag-uusapan kung sino ang nilandi ni ganito sa inuman kagabi. Maii-stress sa dami ng backlogs na kailangang gawin. Maba-badtrip sa propesor na paimportante kung magbigay ng deadline. Mag-aayaan kaming kumain kinalaunan at dahil karamihan ay nagtitipid, mumurahing burger o footlong lang ang bibilhin namin. Minsan, mag-aayaan kaming magyosi o bumili ng kape sa 7/11, lalo na kung may hinahabol na pasahan o kaya’y may problemang gustong pag-usapan. Lilipas ang isang buong araw at kanya-kanya kaming uuwi.



Ngayon, isang taon na ang nakalipas, sinusubukan kong balikan ang mga alaalang ito. Bahagya akong napapayapang nagagamay ko pa ang mga pang-araw-araw kong gawi bago magsimula ang pandemya. Pero hindi na kasing linaw. Kasabay ng paglabo ng mga alaala ay ang pagpupurol ng mga hugis na minsa’y palagian kong nakikita.



Ang komyut sa umaga’y binubuo na lamang ng mga ulong hugis bilog. Hindi ko na maaninag ang mga detalyeng kaakibat nito. Gaano nga ulit kahaba ang mga buhok ng mga nakakasabay kong pumila? Ano nga ulit ang kulay nila? May buhok ba talaga ang iba sa kanila? Baka nama’y nahaharangan ng sumbrero ang sa iba o di kaya’y masyado pang basa kaya’t nakabagsak pa. E yung konduktor na naniningil ng barya sa umaga? Teka, lalaki ba siya o babae? Mga malalabong hugis na lamang nila ang tanda ko.



Habang naghihintay ng pulang ilaw sa stoplight ng taft, pinapanood ko ang mga jip at bus na rumaragasa sa kahabaan ng kalsada. Minsan, minamadali ko ang ilaw. Kailangan kong tumawid na at baka malate pa ako sa klase. Pero ano na nga ulit ang mukha ng mga sasakyang bumabaybay sa mga kalsada ng Maynila? Ano nga ulit ang kulay ng mga jip na dumadaan? Saan nga ulit sila nagbababa? E ang mga UV na dumadaan, ano na nga ulit ang ruta nila? Alam kong iba-iba ang kompanya ng bus na bumabaybay sa kalsada. Pero ano na nga ulit sila? Sinusubukan kong hukayin ang mga larawan sa aking alaala. Pero wala. Ang naaaninag ko na lamang ay ang mga parihabang sasakyan na dinadaanan at nilalampasan ang mga taong nag-aabang na makatawid. Mga hugis na lamang sila. Mga hugis at wala nang iba.



Art by Douglas Kurt Diola

Naaalala ko ang mga bulungan naming magkakaibigan. Pero minsan, nakakalimutan ko na ang mga mukha nila. Hindi ko na maaninag ang korte ng kanilang mga pilikmata, ang pagkakunot ng noo nilang naii-stress na sa buhay-estudyante, ang tono ng mga boses nila sa tuwing nagtatawanan at nag-aasaran. Naaalala ko ang usok ng nilulutong tanghalian. Pero lumalabo na ito, na para bang markang iniwan ng maduming pambura. Ang mga alaalang ito’y parang pinilit burahin sa kwento ng pang-araw-araw kong buhay. Hindi ko na mabasa ang nakasulat, pero may naiwan paring mantsa.



Isang taon na ang lumipas at marami na ang nagbago. Nag-aaral na ako sa UP Diliman. Binabaka ko na ang pangalawang semestre ko sa unibersidad. Pero nandito lang ako, nananatili sa apat na sulok ng sarili kong tahanan. Hindi ko pa nararanasan ang dapat sana’y bago kong kasalukuyan. Hindi ko na rin alam ang magiging mukha ng hinaharap. Ang pinakanakakatakot, parang wala na akong nakaraang babalikan. Nawawalan na ang gamay ko sa realidad. Wala nang natitira kundi ang kakaunting mga alaala. Mga hugis na patuloy ang pagpurol sa bawat araw na lumipas. Unti-unti na silang lumalabo, at wala akong mga bagong imahe na handang humalili sa paglisan nila. Sa pagdating ng araw na magiging mga mantsa na lamang ng pambura ang mga minsan ko nang alaala, paano na? Mga pumupurol na hugis na lang ba ang matitira? Huwag naman sana.

Comments


Commenting has been turned off.
bottom of page