Sabi nila, kaming mga kabataan daw, dapat hindi na nakikialam sa pulitika dahil wala naman daw kaming alam doon.
Dose anyos ako noong nagkasakit si Lola Flora.
Isang araw, habang nagwawalis siya sa labas, inatake siya sa puso. Dinala siya ng mga nakakita sa pinakamalapit na ospital.
Ang kakarampot na naitabi nina Inay at Itay sa trabaho na para sana’y sa pag-aaral namin ay naubos sa mga bayarin. Kulang pa rin ito.
Kami’y lumapit sa munisipyo para humingi ng tulong. Ang sabi sa amin, lumipat na lang daw kami sa pampublikong pagamutan para hindi gaanong mahal.
Pumanaw si Lola noong Setyembre. Habang ang mga kapitbahay namin ay nagagalak at naglalagay ng mga palamuti sa kanilang mga tahanan, kami, nagsisindi ng kandila at nagpupuyat sa lamay.
Tsaka lang sumipot sina Mayor. Kung kailan wala na si Lola.
Pero ano nga bang alam ko sa pulitika?
Oktubre, kasalukuyang panahon
Ramdam ang simoy ng hangin mula sa siwang ng aming bintana, ‘yong tipong lamig na sumusuot sa aking buto’t balat. Madilim pa sa labas at kung titingnan ko nang mabuti, makikita ko pa ang mga bituing nagniningning at nakapaligid sa buwan.
Ako’y tuluyang nagising sa mga tunog na tila’y yapak galing sa aming kusina. Mula sa kakarampot na ilaw ng nag-iisang bumbilyang nakasabit mula sa aming dingding, nasulyapan ko ang aming orasan. Itinuturo ng mga kamay nito na alas-kwatro imedya pa lang.
Naroon si Itay, nakaupo sa hapag-kainan, umiinom ng kape mula sa tasa niyang pula. Si Inay, panigurado ay kanina pa siya nakaalis. Madalang ko na siyang naaabutan buhat ng kanyang mga gawain sa palengke.
Bumangon ako mula sa lapag at umupo nang saglit. Papikit-pikit pa nga ang aking mga mata, ngunit napagpasiyahan ko nang gumayak na rin dahil alas-siyete magsisimula ang aking klase.
Napansin ako ni Itay. “Aga mo namang gumising, ‘nak,” wika niya sa akin.
“Hindi na rin naman ako makakatulog, ‘Tay.”
Tumayo na ako at niligpit ang aking higaan. Nag-iingat ako para hindi magising si Berting, ang aming bunso, na sa himbing ng tulog ay nananaginip pa sa aking tabi.
Inubos na ni Itay ang kanyang kape at ibinalik ang silyang inupuan niya. Rinig ang pagkayod ng kahoy sa vinyl na sahig. “Sige, ‘nak, mauuna na ‘ko. Ikaw na bahala sa kapatid mo, ah,” bilin niya sa akin.
Kaniyang kinuha ang sumbrerong itim na nakasabit sa may pintuan at inayos ang mga kusot ng kanyang damit. Iisa lang naman ang palagi niyang suot: ang uniporme nilang kulay asul na may salitang BSMTODA sa likuran. Sa kanyang baywang, kumakalansing ang susing nakakabit malapit sa kanyang sinturon.
“Ingat po, ‘tay,” sabi ko. Ngumiti siya sa akin at umalis ng bahay. Kasabay ng pagtilaok ng manok sa kapitbahay ang ingay ng makina ng kaniyang traysikel na saglit lamang ay tuluyan nang tumila.
Habang naglalakad ako pabalik ng sala’y may naramdaman akong basa sa lapag. May natapong tubig.
Kinuha ko ‘yong basahang nag-aabang sa gilid ng pintuan - isang damit na matagal nang kupas at gula-gulanit. Kwelyo nito’y nanggigitata na. Pinamigay lang ito sa amin dati noong dumaan sila sa bahay, dala-dala ang buong angkan, nangangampanya. Tatlong taon yatang ginamit ito ni Itay bilang pambahay at kalaunan ay umabot na lang ito sa puntong napunit at bumibigay na ‘yong kaliwang manggas.
Pinunasan ko nang maigi ‘yong sahig. Kahit dito man lang, malinis ang ambag nila sa bayan.
Nobyembre
Mahigpit ang hawak ni Berting sa aking kamay, puno ng kaba at ayaw humiwalay sa akin. Sinasabayan ko ang mga hakbang niyang maliit at nag-aalinlangan.
Araw-araw namin itong pinagdaraanan: pagsasabihan ko siyang gumayak na para pumasok. Aayaw siya. Kakailanganin ko pa siyang pilitin para lang kumilos. Paglabas na paglabas namin ng bahay ay kakapit na agad siya sa akin.
Habang kami’y papalapit sa aming paaralan ay napansin kong parang may bago rito. Matingkad ang pintura sa gate at sa mga gusali. Sa ilalim ng San Miguel Elementary School, may bagong nakalagay. “PROJECT OF MAYOR JOEY GUERRERO,” ipinagmamalaki nito.
Sa harap naman ng gate, mayroon pang nakapaskil na tarpaulin. “Tara Na’t Magbasa!” Katabi nito’y litrato ng isang babaeng nakangiti at nakapolong kulay puti. “Proyekto ni Nene Guerrero,” nakalagay sa malaking letra sa ilalim.
Mga Guerrero.
Mula sa mga pinakaunang alaala ko, ramdam na ang presensya ng kanilang pamilya sa bawat sulok ng aming barangay.
Noong pumanaw si Lola, nandoon si Nene. Nakikiramay raw siya. May dala pa itong napakalaking bulaklak, ‘yong tipong may stand at puting ribbon pa.
Noong muntikang mawalan ng trabaho si Itay dahil sa pandemya, ‘yong anak nilang si Sebastian ang mismong nangako sa TODA na gagawa siya ng paraan upang makapagpatuloy sila sa pamamasada.
Sa tuwing nasasalanta ang aming barangay ng mga bagyo at baha, pinagtitipon-tipon nila kami sa covered court para mamigay ng relief goods. “KAY GUERRERO, AASENSO,” sabi ng bag na kinalalagyan ng mga ito.
Kulang na lang, pati medyas na suot ko, lagyan na rin nila ng apelyido nila.
Mukha namang walang problema ang mga kapitbahay. Pati sina Inay at Itay. Kung masaya sila, edi masaya na rin ako. Diba?
Hinatid ko si Berting papunta sa kanyang silid at tumungo na rin ako sa aking klase.
Hindi ko na ito inisip pa.
—
Sa pagsapit ng takipsilim, unti-unti nang nagbubukas ang mga ilaw sa bawat tahanan. ‘Yong iba, may Christmas lights na. Ang ganda ng pagkakaiba-iba ng kulay ng mga LED light. Pati si Berting tuwang-tuwa sa pagkutitap nila.
Habang naglalakad kami pauwi ay nadaanan namin ‘yong tindahan ni Aling Lita. Nakadungaw siya sa harap at nagyoyosi habang may kausap na isa pang matandang babae.
“Lita, ano naman ‘yang nakasabit d’yan sa harap?”
Humipak nang matagal si Aling Lita. Dahan-dahan niyang ibinuga ang usok mula sa kaniyang bibig. “Alam mo na kung bakit,” tugon niya.
“Sa bagay – ay, alam mo ba, balita ko raw…”
Sa pag-uusap nila ay napatingin na lang ako sa aking paligid. Hindi ko napansin noong mga nakaraang linggo dahil abala ako sa pagmumuni-muni. Parang bigla na ngang dumami ang mga kung ano-anong mga nakasabit sa labas ng mga gate, pati na rin sa mga pader at poste ng telepono. Sumasayaw sa ihip ng hangin ang ilan dito.
“TATAK GUERRERO, TUNAY NA SERBISYO!”
“LOVE KAYO NI TITA TESSA RIVERA!”
“INGAT SA BIYAHE! MULA KAY HON. MARCO MORALES”
Napansin ko lang na tumigil na pala kami sa paglalakad nang nararamdaman ko ang kamay ni Berting na humahatak sa aking braso. “Ate, uwi na,” sambit niya.
“Ah… sorry! Halika na.”
—
Sabado ng linggong ‘yon, habang ako’y nagliligpit ng gamit para sa pinal na proyekto namin sa paaralan, may naririnig akong tila ba’y kaguluhan mula sa basketball court. Bagama’t nasanay na lang ako rito dahil madalas itong ginagamit ng barangay para sa mga kung ano-anong pa-program, parang iba ‘yong ingay ngayon.
Nagulat ako’t mayroon pang ayos ‘yong entablado. May mga speaker, pa-ilaw, at mga monoblock na nakahilera. Sa pader sa likod nito’y mayroon na namang napakalaking tarpauling nakapaskil. Ang mukhang nakatingin at nakangiti sa akin ay isang mukhang kilalang-kilala ko na.
Napansin ko na lang na naroon pala sina Inay, Itay, at ilan pa sa mga kapitbahay namin. May isang boses na nangingibabaw sa kanilang lahat. Sa una, hindi ko matanto kung kanino nanggagaling ito; tanging kasuotan lang nitong polo at pantalon ang nakikita ko. Mukha pang mamahalin.
Habang papalapit ako’y naririnig ko na ang kanilang mga pinag-uusapan.
“...Nagkasakit nga po ‘yong anak ko. Nawalan pa po kami ng pambayad sa gamot niya…”
“Naririnig ko po kayo. Kaya po nagpatayo kami ng Aruga center dito sa barangay para matulungan namin kayo… Pero para ipagpatuloy po namin ‘yan sa susunod na eleksyon ay kinakailangan po namin ng mga boto ninyo…”
“Opo, Mayor… Syempre po… Napakalaki po talaga ng pasasalamat namin sa inyo…”
Nang humawi na ang mga nakatipon ay nakita ko na rin ‘yong nagsasalita. Isang lalaki, mga trenta anyos. Nakasalamin.
Si Joey Guerrero.
Sa lahat ng mga lugar at pagkakataong iniisip kong makikita ko siya sa personal ay hinding-hindi ko mahuhulaang sa loob pa ng aming paaralan at nakangiti pa sa aking mga magulang.
Napatayo na lang ako sa gilid habang patuloy niyang kinakausap ang mga nakapalibot sa kaniya. Matapos ng ilang saglit ay umalis na rin ito, sakay ng isang kotseng itim. Isa-isa na ring nagsiuwian ang mga kapitbahay namin.
Doon lang ako napansin ni Inay. “Rosa, ‘nak, nandiyan ka pala? Halika na, uwi na tayo,” utos niya sa akin.
“Sige po, Nay.”
Habang nakaupo kami para kumain ng hapunan ay nagkaroon ako ng lakas ng loob na magtanong tungkol sa mga pangyayari noong hapong ‘yon. Hindi ko rin mawari kung saan ito nanggaling.
“Bakit… ba’t po kayo nasa rally ni Mayor kanina? Ano pong meron?” Nanliliit ang boses ko. Hindi naman ako madalas nangingialam sa mga ganitong bagay.
Napailing at napabuntong-hininga na lang si Itay. “Nagbabakasali, ‘nak…” mahinang sagot niya.
Kinuha niya ang kanyang baso at uminom ng tubig.
“Iboboto niyo po ba ulit siya? …sila?” tanong ko muli.
“Sila lang naman ‘yong may nagawa para sa ‘tin, ‘nak,” sagot ni Inay. Hindi ko mapagtanto ang ekspresyon sa kaniyang mga mata.
Inaalala ko ang mga salita ni Mayor kanina. Nagpatayo kami. Proyekto namin ito. Ginagawa ba nila ‘yon dahil gusto talaga nilang tumulong sa amin o para makuha lang ang boto namin?
Hindi na ako nagsalita pa.
Kinuha ko na lang ang kutsara at patuloy na kumain nang tahimik. Kahit si Berting, hindi umiimik.
Kinagabihan, habang humihilik na ang buong pamilya ko, hindi pa rin ako tinatablan ng antok. Paikot-ikot ang mga salita ng magulang ko sa aking isipan.
May humahabol sa akin. Hindi ko alam kung sino o kung bakit. Ang alam ko lang, kailangan ko itong takbuhan.
Nakita ko ang aming paaralan! Ayun! Mapagtataguan. Dali-dali akong pumasok rito at umupo sa sahig, nag-iingat na hindi ako makita mula sa bintana. Nakahinga ako nang maluwag. Ligtas na ako.
Doon ako nagkamali.
Naramdaman ko siya bago ko siya nakita: isang kamay sa balikat ko. Unti-unti akong lumingon sa aking kanan.
Si Mayor Joey.
“Iha, ‘wag ka nang pumalag. Kahit anong gawin mo, kami at kami ang magwawagi!” humalakhak siya nang malakas.
“Tama siya, ‘nak. Kung nakuntento ka na lang sana, edi wala tayong magiging problema,” sabi ng isa pang boses sa aking kaliwa.
“Tay?”
Naglakad siya papalayo sa akin. Tinangka ko itong habulin.
“Tay! Itay! Huwag mo ‘kong iwan!”
Hindi siya tumitingin. Kahit anong padyak ko ay hindi ako makagalaw.
“Itay!”
Napaupo ako sa aking higaan, pawisin at hinihingal. Ramdam ko ang bilis ng pagtibok ng aking puso.
Panaginip lang pala.
Huminga ako nang malalim. Hindi ko na alam kung anong paniniwalaan ko.
Kung wala silang gustong baguhin, edi wala. Walang mangyayari. Walang magbabago.
Disyembre
Ikapitong araw na noon ng Simbang Gabi. Sabi kasi ni Inay, kapag nakumpleto mo raw lahat ng misa, matutupad raw ‘yong mga hiling namin. Si Berting, gusto ng laruang robot. Hindi ko maipaliwanag sa kanya na hindi naman yata namimigay si Papa Jesus ng ganoon.
Lahat ng bahay sa kalsada’y mayroong nakasabit na palamuti sa labas. ‘Yong iba, may pa-ilaw at parol pa na kumikislap ng iba-ibang kulay.
Ngunit ang pinakamalaking display ay nadaanan namin habang papunta sa simbahan, isang tarpaulin na nakasabit sa bintana ng munisipyo: “Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon mula sa Guerrero family!” Mas malaki pa ang litrato nila kaysa sa mismong pagbati nila. Lahat sila’y nakapula’t nakangiti. Pati ang mga nakasabit sa Christmas tree ay ang kulay ng kanilang pamilya: asul at puti. Nakakasawa na.
Pag-uwi namin sa bahay ay naupo kaming lahat sa hapag-kainan.
"Mga anak, tatandaan niyo 'yung dahilan kung bakit tayo nagpa-Pasko - kung kanino tayo nagpapasalamat para sa lahat ng biyayang natatanggap natin," paalala ni Inay.
"Opo, ‘Nay. Kay Mayor Joey po!" nakangiting tugon ni Berting. Nanlaki ang aking mga mata. Hindi ko na naikubli ang aking gulat.
Pati si Inay ay napatitig na lang. Nabitawan pa niya ang hawak niyang kubyertos. Matapos ng ilang saglit ay tila nanumbalik ang kakayahan niyang magsalita.
“Ay, nako, hindi, 'nak! Sa Panginoon!”
“Ahhh…” sagot ni Berting habang tumutungo. “Sorry po, Nay.”
Natawa na lang si Itay. “Ano ba ‘yan, ‘nak, nagsisimba na nga tayo linggo-linggo!”
Kahit nakangiti kaming lahat ay may namumuong pagkabagabag sa aking sikmura. Oo, nakakatawa siya ngayon, ngunit ganito na ba ang magiging hitsura ng kinabukasan natin? Puro na lang sila? Wala ba talagang magbabago? Tuluyan ba kaming aasa sa kanila?
Isinantabi na lang nina Inay ang nangyari at sinabihan kaming matulog at magpahinga. Sumunod na lamang kami.
Mga bandang alas-onse ng gabi, nagising ako sa boses nilang nag-uusap na may mababang tono. Marahil, para hindi kami magising. Habang nagkukunwari akong tulog ay pilit akong nakikinig sa kanilang usapan.
“Iboboto pa ba natin ‘yan, mahal? Hindi ba parang sumosobra na…?” sinabi ni Itay nang may pag-alala.
“Sa taas ng gastusin ngayon? Sa’n pa tayo huhugot no’n?” tugon ni Inay.
“Oo, pero kaya naman siguro natin… nang wala sila…”
“Pero–”
“Narinig mo naman ‘yong anak mo kanina, diba? Diyos ko, pati Pasko…”
Sa sobrang tagal ng walang umiimik ay akala ko’y tapos na ‘yong usapan.
Narinig kong huminga nang malalim si Itay.
Sana may pag-asa pa tayo bukas. Bigla ko na lang naramdaman ‘yong bigat ng aking mga mata at hindi ko na ito nilabanan pa.
Mayo
Ikalabindalawa ng Mayo. Kahit anong gate at pintuang makita ko ay mayroong pulitikong nakangiti na para bang alam na nila ‘yong magiging kalalabasan.
Nakita ko na lang na nakatabi sa may basurahan namin ang isang tarpaulin na mahigpit na nakarolyo’t nakatali.
Naririnig ko mula sa mga haka-haka ng aming mga kapitbahay na Guerrero na naman daw ang mananalo. Ayaw kong maniwala. Nakakasuka.
Dali-dali kong hinanap ang aking mga magulang.
“‘Nay, ‘Tay…” Kahit hindi ko na tapusin ang pangungusap, pakiramdam ko’y alam na nila ‘yong itatanong ko.
Umiling sa akin si Itay at ginulo ang aking buhok.
“Hindi na, ‘nak. Hindi na ulit.”
Napangiti na lang ako.
Sa wakas.
Comments